ang paglilitis ni mang serapio

21
ANG PAGLILITIS NI MANG SERAPIO 1TAG: Narito po kayo upang panoorin ang isang paglilitis 2TAG: Sa krimen ng isang pulubing huling-huli namin: 1TAG: Si Mang Serapiong pisak at surutin. (Tatakbo sa likod ng mesa.) 2TAG: Dalhin dito ang nasasakdal! (Hahalakhak, hihiyaw, at papalakpak ang mga pulubi. Hihilahin ng BAN si SERAPIO sa gitna ng silid at iiwan doon. Katahimikan.) 1TAG: Magandang gabi, ginoo. SER: Magandang gabi rin ho. (Sandaling tigil.) Mga ginoo… 2TAG: Silencio! 1TAG: Huwag kang magsalita habang kami’y nagsasalita! 2TAG: Bastos ang nagsasalita habang may nagsasalita pa! 1TAG: (Sa mga manonood) Patawarin ho ninyo siya. Ganito talaga ang mga walang kapangyarihang tulad niya: mangmang at iyan nga ang suliranin ng mga may kapangyarihang katulad namin. 2TAG: Ba’t ka ba galaw nang galaw? Tumindig ka nang tuwid! SER: Gusto ko lang malaman kung ano ang krimen ko. 1TAG: Hindi mo ba alam? SER: Hindi ho. 1TAG: Hindi nila sinabi sa’yo? SER: Hindi. Hindi ho.

Upload: rochelle-triguero

Post on 27-Dec-2015

120 views

Category:

Documents


6 download

DESCRIPTION

Script of the play written by Paul Dumol

TRANSCRIPT

Page 1: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

ANG PAGLILITIS NI MANG SERAPIO

1TAG: Narito po kayo upang panoorin ang isang paglilitis

2TAG: Sa krimen ng isang pulubing huling-huli namin:

1TAG: Si Mang Serapiong pisak at surutin.

(Tatakbo sa likod ng mesa.)

2TAG: Dalhin dito ang nasasakdal!

(Hahalakhak, hihiyaw, at papalakpak ang mga pulubi. Hihilahin ng BAN si SERAPIO sa gitna ng silid at iiwan doon. Katahimikan.)

1TAG: Magandang gabi, ginoo.

SER: Magandang gabi rin ho. (Sandaling tigil.) Mga ginoo…

2TAG: Silencio!

1TAG: Huwag kang magsalita habang kami’y nagsasalita!

2TAG: Bastos ang nagsasalita habang may nagsasalita pa!

1TAG: (Sa mga manonood) Patawarin ho ninyo siya. Ganito talaga ang mga walang kapangyarihang tulad niya: mangmang at iyan nga ang suliranin ng mga may kapangyarihang katulad namin.

2TAG: Ba’t ka ba galaw nang galaw? Tumindig ka nang tuwid!

SER: Gusto ko lang malaman kung ano ang krimen ko.

1TAG: Hindi mo ba alam?

SER: Hindi ho.

1TAG: Hindi nila sinabi sa’yo?

SER: Hindi. Hindi ho.

1TAG: A, problema mo na ‘yon. (Sa mga manonood) Pag-aaruga ng bata ang krimen niya.

3SAK: (Biglang titindig, sa mga manonood) Pag-aaruga, pag-aaruga, pag-aaruga ng bata.

1TAG: (Sa mga manonood) Krimen sapagkat pag-aaruga ng bata’y panunuksong gumasta. Samakatuwid, nawawalan ng pera ang federacion. Narinig siyang nagsasalita sa anak niya—Sol. Pormalidad na lamang itong paglilitis.

Page 2: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

HUK: Pormalidad na rin ho ang hatol ko.

1TAG: Ginoong Serapio, mabuti ba’ng tulog mo?

SER: Oho.

2TAG: Nakakain ka na ba?

SER: Oho.

1TAG: Magaling! Handang-handa ka para sa paglilitis mo. Ilang araw mo nang suot iyang kamisadentro mo?

2TAG: Ikaw ba’y naghilamos na?

1TAG: Naligo?

2TAG: Nagpunas man lamang?

1TAG: (Sa BAN) Na-spray mo na ba siya?

HUK: (Pupukpukin nang dalawang beses ang kanyang podium) Ituloy ang paglilitis! (Sa mga manonood) Sa aking siyam na taon sa federacion, wala pa akong nakikilalang mga tagapagtanong na kasindaldal nitong dalawa. (Pupukpukin nang dalawang beses ang kaniyang podium) Ituloy ang paglilitis!

1TAG: Bueno! Ginoong Serapio, sabihin mo sa amin. Ano ang pangalan mo?

2TAG: (Babatuhin si Serapio ng yeso o anumang maliit na bagay) Tumindig ka nang tuwid!

1TAG: Sabihin mo sa amin ang pangalan mo.

2TAG: Pangalan!

SER: Serapio ho.

1TAG: (Titingin kay 2TAG) Serapio.

2TAG: Serapio?

1TAG: Serapio?

SER: Ho?

2TAG: Serapio?

1TAG: Serapio?

Page 3: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

SER: Ano ho?

2TAG: Serapio ano!

SER: Serapio.

1TAG: Serapio Serapio?

SER: A, hindi ho, Serapio lang.

2TAG: (Habang sumusulat sa kwaderno) Serapio lang.

1TAG: Trabaho?

2TAG: Trabaho?

SER: Wala ho.

1TAG: Ano, wala kang trabaho?

SER: Wala ho.

1TAG: Hindi ba isa kang pulubi?

SER: Oho.

1TAG: Trabaho mo ‘yun.

2TAG: (Isusulat sa kwaderno)

1TAG: Classificacion.

SER: Classificacion?

1TAG: CLASSIFICACION!

2TAG: Ano ang classificacion mo bilang pulubi? Nagmamakaawa o aliwan?

1TAG: Pakunwari o karaniwan?

2TAG: Ikaw ba’y nagrerenta ng sanggol o bata

1TAG: Upang akitin ang luha ng madla?

2TAG: ‘Yan ang uring nagmamakaawa.

1TAG: O tumutugtog ka ba—silindro o gitara, dram o kahit na banda o rondalla?

Page 4: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

2TAG: Kasama ng sayaw / o kundi nama’y kanta / nang madla’y maaliw / at bigyan ka ng kwarta?

1TAG: ‘Yan ang uring aliwan. / Maari naman ding / nagkukunwari ka; / ika’y pinaglihi / sa isang palaka

2TAG: O kung hindi naman / ika’y isang palso / ngunit isang palsong / palsipikado

Pakunwaring bingi / bulag, pilay, pipi / madlay madaya man / ikaw nama’y yayaman. / ‘Yan ang uring pakunwari. / Walang guni-guni / ang nais huling uri.

1TAG: Mga tunay na pipi / bulag, pilay, bingi

2TAG: Walang guni-guni.

1TAG: Wala ring salapi.

2TAG: Talagang ganyan ang buhay / ng nasa huling uri: / ang uring karaniwan

2TAG: Alin ka sa apat? Nagmamakaawa o aliwan?

2TAG: Pakunwari o karaniwan?

SER: Ang huli ho.

2TAG: (Isusulat sa kwaderno)

1TAG: Ginoong Hukom, ano ang gagawin naming ngayon?

HUK: Patibayan na niyo ang krimen niya. (Titindig ang 3 PULUBI)

3PUL: (Sa mga manonood) Patibayin na ang krimen niya!

1TAG: Bueno. Ginoong Serapio, may asawa ka ba?

2TAG: Kabiyak?

(Katahimikan)

1TAG: Sumagot ka!

2TAG: Napakasimple, hindi ka dapat mahiya.

1TAG: Sabihin mo ang totoo! May asawa ka ba?

SER: Wala ho.

1TAG: May asawa ka ba noon?

Page 5: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

(Katahimikan)

2TAG: O ano? Malinaw ang tanong. Nakapagtataka ang katahimikan mo. May asawa ka ba noon?

SER: Oo. Ngunit siya’y patay na.

1TAG: A, wala. Basta inamin mong may asawa ka nga.

HUK: (Pupukpukin ng dalawang beses ang podium) Magaling! Napakabilis ng aming mga paglilitis sapagkat matatalino’t magagaling ang aming mga tagapagtanong.

3PUL: Magagaling! Magagaling! Magagaling!

1TAG: Ginoong Serapio, nagkaroon ka ba ng anak?

SER: Ba’t niyo tinatanong ‘yan?

1TAG: Aba! Pilosopo!

SER: Ano ba ang krimen ko?

1TAG: (Tatakbo ang DALAWANG TAG sa likod ng mesa) GINOONG SERAPIO!

SER: Patawarin ho ninyo ako ngunit—

1TAG: Wala ka bang utak?

2TAG: Tandaan mo kung sino ka!

1TAG: Isaang pulubi! Hamak! Kulisap!

2TAG: Sagutin mo ang tanong: nagkaroon k aba ng anak? (Sandaling tigil)

SER: Oho.

2TAG: Ayos! Ba’t di mo inamin agad?

1TAG: Marami pang arte.

SER: Ano ho ang krimen ko?

2TAG: Umupo ka. Malalaman mo rin. (Susulat sa kwaderno)

(Aakayin ng BAN sa upuan si SERAPIO)

1TAG: Ang pangalan ng anak mo ay Sol, hindi ba?

SER: Oho. Paano ho ninyo nalaman?

Page 6: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

1TAG: Marami kaming alam tungkol sa iyo.

SER: (Sa manonood) Iyon din ang pangalan ng namatay niyang ina—Sol, Consuelo. Namatay ang kaniyang ina nang siya’y ipanganak. Ang pagpanaw niya’y pagsapit ng kalungkutan. Dalawang hiyaw ang tumaginting sa aming silid sa gabing yaon: ang aking hiyaw na hapis sa pagkamatay ni Sol, at ang hiyaw ng takot ng naisilang na Sol, na naging larawan ng kaniyang ina: maputi, maitim ang mata, madalas na nakangiti, lundag nang lundag kapag inuuwian ko ng kendi, matamis at laruan. Sana’y nakita ninyo siya. At ang kaniyang halakhak—Sol, Sol.

1TAG: Ano ‘yang sinasabi mo?

SER: Wala. Wala ho.

1TAG: Huwag ka nang umarte-arte pa.

2TAG: Basta’t inamin mong may anak ka.

1TAG: Da-drama-drama ka pa diyan. (May mga papel na ibibigay sa HUKOM)

HUK: Ano? Tapos na ba ang paglilitis?

1TAG: Oho. Inamin na niya na anak nga niya yung ‘Sol’ na ‘yun.

(Ibibigay ng isang BAN sa 2TAG ang isang kahon)

2TAG: (Sa mga manonod; ilalapag sa mesa ang martilyo, pait, gunting, tinidor, bamboo, at balaraw mula sa kahon) Ito ho ang kahon ng mga instrumenting ginagamit naming sa pagpaparusa sa mga kasapi.

Humahanga ako sa parusa ng federacion: ubod ng karanungan at pag-unawa, sapagkat sa katotohanan ay pagkakawanggawa ang mga parusa. Halimbawa, ang pagpipi, o ang pagpilay kaya. (Maglalapag ng bareta sa mesa) Ipalagay nating bulag ang criminal at nakikinabang dahil sa pagkabulag niya, hindi ba tataas ang kita niya kung pilay rin siya? Bulag na, pilay pa. O, at di lang siya makikinabang. Ang federacion din, sapagkat tataas ang kaniyang abuloy sa federacion. ‘Yan ang tinawatawag kong maunwaing parusa: ang pinarurusahan at ang nagpaparusa ay kapwa nakikinabang. (Maglalabas ng icepick, kay 1TAG) Ito ho ang icepick.

1TAG: (Kay Serapio) Ano? Handa ka na ba?

SER: Para sa ano?

2TAG: Sa pagbulag?

SER: Ha?

Page 7: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

2TAG: Sa pagbulag. Madal lang. Sanay na itong guwardiya.

1TAG: Alam niya kung anong parte ng mata ang dapat unang turukin.

SER: Pagbulag?

2TAG: Huwag kang matakot.

1TAG: Hindi ka matetetano.

2TAG: Sterilized itong icepick.

1TAG: Dalhin nga ninyo siya rito.

(Hihilahin ng mga BAN si SERAPIO)

SER: Ba’t ninyo ako bubulagin?!

1TAG: ‘Yan ang pamantayang parusa

2TAG: (Tatangayin ng TAG2 ang mga instrument ng parusa, ang malaking aklat, at ang kwaderno. Malalaglag ang mga ito sa sahig)

SER: Para sa ano?

2TAG: Para sa krimen mo.

SER: Krimen?

1TAG: Huwag kang gumalaw masyado.

(Bibigkasin nang sabay-sabay angm mga sumusunod na dialogo)

SER: Bitiwan n’yo ako! Bitiwan n’yo ako! BITIWAN N’YO AKO!

1TAG: Huwag mo kaming pagbibintangan.

(Bubuhatin si SERAPIO ng mga BANTAY at ihihiga sa mesa. Hahawakan nila ang kaniyang paa’t kamay. Sisigaw at papalakpak ang mga PULUBI)

Hawakan mo ang kamay niya!

2TAG: Ang ulo niya! Hawakan n’yo ang ulo niya!

SER: ANO BA ANG KRIMEN KO?

(Sandaling tigil)

1TAG: Ang ano?

Page 8: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

2TAG: Ano?

SER: Ang krimen ko, ano ang krimen ko?

1TAG: Relak lang, relak. (Mananahimik si SER) O, anong nais mong malaman?

SER: Ano ho ang krimen ko?

1TAG: Ang krimen mo! Yun lang pala.

2TAG: Di mo sinabi agad (Pupulutin ang malaking aklat mula sa sahig)

1TAG: Sigaw ka lang nang sigaw diyan (Titindig ang dalawang TAGAPAGTANONG sa plataporma, bubuksan ni 1TAG ang aklat at hahanap ng pahina; magbabasa ang dalawang TAG)

Ang krimen ni Mang Serapio

2TAG: Ang buhay ng tao’y / lansangan ng hirap;

1TAG: ang mundo’y daigdig ng / kirot at dahas.

2TAG: Pagkakasala’y sakit ng ating / pagkatao, pag-aaruga ng bata ang krimen ni Mang Serapio

1TAG: Krimen mo, Mang Serapio! At wika pa nga sa aming aklat:

2TAG: Bawal mag-aruga ng bata o asawa, / ang taunang kita’y nawawalan / ng pera

1TAG: Ginagasta mo ang pera ng federacion para isang bata.

2TAG: Magpabulag ka na nang makauwi na tayo nang maaga.

SER: Nguni’t wala naman akong batang inaaruga, a.

1TAG: Ano?

SER: Wala akong batang inaaruga.

(Sandaling tigil)

1TAG: Ginoong Serapio, huwag ka nang magsinungaling.

SER: Hindi ako nagsisinungaling.

1TAG: Huwag mong lokohin itong hukuman.

SER: Wala akong niloloko.

Page 9: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

HUK: Ang parusa para sa pagbubulaan sa hukuman ay pagpipi.

SER: Sinasabi ko ang katotohanan

(Sandaling tigil)

1TAG: Kaaamin mo lang na may anak ka.

2TAG: Narinig kita. Narinig ka naming lahat.

1TAG: At itong anak mo’y isang babae.

2TAG: Ikaw mismo ang nagsabi.

1TAG: Ang pangalan pa nga ay Sol.

2TAG: Sinabi mo ‘yan! Sinabi mo!

1TAG: Hindi ba inaaruga mo nga siya?

SER: Si Sol ay patay na.

(Sandaling tigil)

1TAG: Ha?

HUK: Patay na siya? Si Sol, patay na?

SER: Tatlong taon nang patay. Sinagasaan ng dyip. Patay na siya. Patay.

(Sandaling tigil. hihikbi at sisinghot ang mga TAG at PUL)

1TAG: Tunay na malungkot ang iyong kwento. Pinipiga mo an gaming puso.

2TAG: Walang alinlangang mahusay ka sa sining ng pambobola.

SER: Patay na siya!

1TAG: Magsalaysay k asana ng kwentong higit na kapanipaniwala kaysa diyan.

SER: Totoo ang sinasabi ko!

(Sandaling tigil)

1 TAG: Totoo ha! May tatlong saksi kami, ginoo, tatlong saksi na nanunubok sa’yo, araw-gabi.

2 TAG: Dalawang linggo silang nagbantay.

1 TAG: Mga saksi sila sa krimen mo.

Page 10: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

SER: Nagsisiningualing sila! Wala akong batang inaaruga.

1 TAG: Titingnan natin.

2 TAG: Lalabas din ang katotohanan.

1 TAG: Kung sila ang nagsisinungaling, sila ang parurusahan, ngunit kung ikaw ang sinungaling…

(Sa mga PUL) Pumarito ang tatlong saksi. (Tumindig ang tatlong PUL)

HUK: (Sa 3PUL) Kayo na naman?

1PUL: Oho.

HUK: Kayo na lang palagi ang nagpapabulag sa iba.

2PUL: Talagang ganyan ho ang buhay.

3PUL: Tagapagtanggol lang ho kami ng kalinisan nitong federacion.

1PUL: Mga patnubay ng kabutihan nitong lipunan.

HUK: Kayo ba ang unang nagsumbong sa kaniyang krimen.

1PUL: Oho.

HUK: (Sa mga manonood) Puwes, ayan ho ang batas ng aming federacion, kung mapatunayan nila ang kanilang sakdal, kanila na ang lahat ng kasangkapan ni Ginoong Serapio at diyes porsiyento ng kaniyang kinikita.

(Lalakad ang 3PUL sa plataporma. Dadaluhungin bigla ni SER si 2PUL)

SER: Buwaya!

1TAG: (Sa mga BANTAY) Hawakan ninyo siya!

(Hahawakan ng mga BAN si SER at hihilahin sa lugar ng mga PUL. Titindig ang mga PUL sa plataporma.)

1TAG: Igalang mo itong hukuman, ginoo. (Sa mga PUL) Ngayon, mga ginoo nitong marangal na federacion, sabihin ninyo ang inyong nakita.

1PUL: Nakita naming siya / Pawing may dala

2PUL: Mamantikang supot / sa kilikili niya

3PUL: At susulyap-sulyap sa kana’t kaliwa, takot sa wari ko na matagpuan siya.

Page 11: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

2TAG: Takot sa wari ko na matagpuan siya.

1PUL: Sinundan naming siya / hanggang sa bahay niya

2PUL: Nagtago kami’t narining naming siya

3PUL: “Heto na, Sol, / kumain ka na’t isuot mamaya / ang damit mong pula”

1TAG: Ginoong Serapio,pinaratangan kita / ng krimeng pag-aaruga ng bata. / Bubulagin ka ngayon din!

SER: ‘Yun ba ang inyong katibayan?

1TAG: Oo, masaya na kami.

SER: Kulang pa ‘yang katibayan ninyo.

2TAG: At ano ang kakulangan?

SER: Si Sol, ang aking “buhay” na anak. Mga tanga ang mga espiya ninyo!

1TAG: Huwag kang magsalita nang ganyan sa harap naming.

2TAG: Kami’y mga opisal nitong hukuman.

SER: Akala ninyo’y nahuli na ninyo ako, ano? Akala ninyo! (Sa 3PUL) May isa ba sa inyong nakakita sa “buhay” na anak ko? Wala!

2TAG: Wala bas a inyong nakakita sa anak niya?

1PUL: Narinig naming siyang nagsasalita sa anak niya

2PUL: Gabi-gabi, sa buong linggong nanubok kami.

(Lalapitan at kakausapin ni SER isa-isa ang mga manonood)

3PUL: At kaya naming alam na alam ang mga sinasabi niya ay sapagkat—

SER: Nagsisinungaling silang lahat! Nagsisinungaling silang lahat! Nagsisinungaling silang lahat!

1TAG: GINOONG SERAPIO!

1PUL: Gabi-gabi sa takdang oras ay maririnig naming siya, paulit-ulit

2PUL: “Heto na, Sol. Kumain ka na’t isuot mamaya ang damit mong pula.”

3PUL: At inuulit niya ito gabi-gabi.

Page 12: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

SER: Nagsisinungaling sila! Nagsisinungaling sila nang maging kanila lahat ang mga kasangkapan ko!

2TAG: Nguni’t nakita ba ninyo ang anak niya?

1PUL: Hindi.

SER: HA!

2TAG: Kung nagsisinungaling kayo, mapipipi kayo!

2PUL: (Kay SER) Narinig ka naming nagsalita sa anak mo!

SER: Kung talagang buhay ang anak ko, dalhin n’yo rito siya! Dudustain pa ninyo ang alaala niya. Kailangan ba kayong makialam sa buhay ng may buhay?

1TAG: Husto na ‘yan, ginoo!

SER: Dalhin ninyo rito ang anak ko, kung buhay pa siya! At bulagin ninyo ako.

1TAG: Kami’y nagpadala na, ginoo, kanina pa, ng dalawang kasapi nitong federacion sa iyong barung-arong, upang agawin ang anak mo sa karaniwang oras ng pag-uwi mo. Nakabalik na sila.

(Sa mga BANTAY) Nasaan sila?

(Titindig ang dalawang PILAY)

1TAG: O ano? Nasaan ang bata?

1PILAY: Wala.

1TAG: Anong wala? Hindi ba kayo pumunta sa bahay niya?

2PILAY: Oho.

1TAG: Hindi ninyo nahuli ang anak?

1PILAY: Wala hong bata roon.

1TAG: Kapag nagsisinungaling ka—(Hahampasin ng baston ang dalawang PILAY. Susukot ang mga PILAY)

1PILAY: Hindi ho.

2PILAY: Wala ho kaming makita. Wala ho.

1PILAY: Kundi isang baul.

2PILAY: Itong baul, ho, e. (Kakaladkarin nila ang baul. Katahmikan.)

Page 13: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

1TAG: Saan ninyo ito nakita?

1PILAY: Sa barung-barong niya.

2PILAY: Sa isang sulok ho.

1PILAY: Nakatago sa ilalim ng mga lumang sako.

1TAG: Lumang sako. At hindi n’yo pa ito nabubuksan?

1PILAY: Hindi pa ho.

2PILAY: Nakakandado ho.

1TAG: Nakakandado. (Sandaling tigil.) Buksan ninyo ang baul. (Dalawang beses na pupukpukin ng PILAY ng martilyo ang kandado ng baul.)

SER: Wala ‘yang laman! Wala ‘yang laman! Isang lumang baul na nakita ko lang sa basurahan.

1TAG: Ba’t mo tinago, Ginoong Serapio?

SER: Wala. Ginagamit ko sa bahay bilang upuan.

1TAG: At bakit nakakandado?

SER: Nakakandado na ‘yan nang makita ko.

1TAG: Nagsisinungaling ka, G. Serapio. Bagung-bago ang kandado. Walang bakas ng kalawang. Ikaw ang nagkandado niyong baul.

SER: Nakakandado na ‘yan nang nakita ko!

1TAG: Kung ganoon, G. Serapio, hindi mo daramdamin ang pagbubukas naming nito. (Sa PILAY.) Buksan ang baul. (Dalawang hampas ng martilyo.)

SER: Hindi. Huwag. (Katahimikan.)

1TAG: G. Serapio, pinapawisan ka.

SER: Wala ‘yang laman.

1TAG: Bakit mo alam, G. Serapio? Nagsinungaling ka kanina. Nabuksan mo itong baul.

SER: Hindi!

1TAG: At ang kandado’y iyo.

Page 14: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

SER: Hindi!

1TAG: Hala! Buksan mo! (Tatlong hampas ng martilyo.)

SER: Huwag!

1TAG: Bakit, G. Serapio?

SER: Akin ‘yang baul.

1TAG: Inamin mo na rin.

SER: Huwag ninyong buksan ‘yan.

1TAG: Bakit? May itinatago k aba sa amin?

SER: Bale wala sa inyo ang laman niyan.

1TAG: Titignan natin. Ituloy ang pagbubukas. (Apat na hampas ng martilyo.)

SER: Hindi n’yo dapat pakialaman yan! Kailangan ba kayong makialam sa buhay ng may buhay?

1TAG: G. Serapio—

SER: Kailangan ba kayong makialam sa amin?

1TAG: Serapio!

SER: Hindi n’yo dapat pakialaman ‘yan!

1TAG: Sasabihin ko sa’yo kung ano ang malalahad pag nabuksan naming ito! Katibayan ng krimen mo!

SER: Wala kayong matutuklasan diyan. (Uulitin niya itong linya habang nagsasalita ang 1TAG)

1TAG: Ano ang tinatago mo diyan? Ang mga damit mo? Ang mga laruan niya? ITULOY ANG PAGBUBUKAS! (Patuloy ang mga hampas ng martilyo habang nagsasalita ang 1TAG at si SER)

SER: HUWAG!

1TAG: Wala kang kapangyarihan sa hukumang ito, ginoo.

SER: Nguni’t AKIN iyang baul!

1TAG: E, ano? E, ano?

Page 15: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

SER: Huwag ninyong buksan ‘yan!

1TAG: Pigilin mo kami! Pigilin mo kami!

SER: Papatayin ko kayo! PAPATAYIN KO KAYO!

1TAG: (Sa mga BANTAY) Hawakan ninyo siya!

SER: Ibubunyag ko kayo sa pulis! (Hihinto ang pagmamartilyo.) Ibubunyag ko kayo at ang inyong kalupitan! Ibubunyag ko ang inyong pandaraya sa madla; ibubunyag ko ang inyong pagmamalupit sa aming lahat; ibubunyag ko ang inyong sadyang pagpapabaya sa mga matatandang kasapi; ibubunyag ko itong federacion sa pulis. (Katahimikan)

HUK: (Hahampasin ng HUKOM ang kaniyang podium) Walang makakatulong sa’yo, G. Serapio, wala! (Kakaladkarin si SERAPIO ng mga BANTAY. Lulupagi si SERAPIO) Ni ang pulis, ang pahayagan, kahit sino man sa mundong ito. Ang mga hiyaw mo’y di maririnig; ang bawa’t kilos mo’y mabibigo, walang papansin sa’yo. Dumaing ka pa, at bukas makalawa, matatagpuan ang iyong magang katawan sa mga itim na bulaklak ng Pasig. (Sa mga PULUBI) Tandaan ninyo ‘yan! May kuwarenta pesos kayong dapat ibigay sa federacion araw-araw. At ibibigay n’yo ang perang iyan sa amin. At kapag hindi, kung kayo’y nakakakita, pipitasin naming ang inyong mga mata; kung kayo ay nakapagsasalita, puputulin naming ang inyong dila, at kung kayo’y nakakalakad, babasagin naming ang inyong mga buto; at kung hindi pa rin ninyo susundin ang batas na itom ang bawat daliri ninyo’y isa-isang tatanggalin. Malungkot nga ang buhay sa federaciong ito, ngunit kasapi na kayo hanggang kamatayan. Kamatayan lamang ang makakapagligtas sa’yo kapag sumali ka sa federaciong ito. Buksan ang baul! (Patuloy na naman ang pagmamartilyo habang nagsasalita si SERAPIO. Dapat lunurin ng mga hampas ng martilyo ang karamihan sa mga salita ng dialogo ni SERAPIO.)

SER: Bale-wala sa inyo ang laman niyan. Bale-wala. Huwag na ninyong buksan. Bale-wala sa inyo ang laman niyan. (Sandaling tigil.) Hindi naman ninyo mauunawaan. Hindi naman niyo mauunawaan. Kung tangkain kong magpaliwanag, kung tangkain kong sabihin sa inyo kung bakit, hindi naman ninyo mauunawaan. Pagatawanan lamang ninyo ako. Anong masasabi ko sa inyo? Pa’no, pa’no ki sasabihin sa inyo? (Sandaling tigil.) Nabubulok na kamay, nabubulok nabubulok na balat, nabubulok na laman, nabubulok na ugat, nabubulak na buto. (Masisira ang kandado. Katahimikan. Sisilip ang MGA TAGAPAGTANONG sa baul. Titindig ang PULUBI. Itataaas ng 1TAG ang isang manika.)

1TAG: Manika?

SER: (Tatakbo’t aagawin at hahagkan ang manika.) Sol! Sol!

1TAG: Si Sol!

Page 16: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

(Magtatawanan ang mga PULUBI habang nagsasalita si SERAPIO. Dapat lunurin ng tawanan ang mga linya ni SERAPIO.)

SER: Sol! Sol! Anak. Anak. Sol. Anak. Ang buwan. Ang bituin. Ang langit. Sol! Sol! Anak. Ang bituin. Ang hangin. Sol. Ang langit. Hangin. Sol ko. Anak. Diwa. Imahen. Kristal at buhay. Buhay. Sol. Anak ko.

(Hihina ang tawanan ng mga PULUBI. Tititigan ng buong korte si SERAPIO)

Larawan ni Consuelo. Sol na anak ni Sol. Sol. Kristal at diwa.

(Tahimik na ang buong korte.)

Diwa. Diwa. Ang buwan. Ang bituin. Ang langit. Ang hangin. Ang sinag.

(Mapapansin ng 1TAG ang mga mukha ng mga PULUBI.)

Ang araw. Sol! Ang araw! Sol! Ang araw! Sol! ANg araw! Sol!

(Aagawin ng 1TAG ang manika.)

1TAG: (Matinis ang boses niya.) Tatay ka ng trapo. (Tatawa nang malakas ang mga PULUBI. Matinis ang tawanan nila.)

SER: Bitiwan mo siya. Bitiwan mo siya.

1TAG: Ginasta mo ang pera ng federacion para dito?

SER: Pabayaan mo ako! Huwag mo akong pakialaman!

1TAG: Isang pamahid sa tae ng kabayo! (Matinis na tawanan.)

SER: Ang anak ko ay maganda! At buhay. Buhay. Anak ko ay buhay at ang kagandahan ng araw.

1TAG: Kapok! (Hahagutin niya ang manika. Katahimikan. Biglang lulundag si SER sa TAGAPAGTANONG)

SER: Bitiwan mo siya! (Tatakbo ang TAGAPAGTANONG sa kaniyang mesa’t ihahagis ang manika sa mga PULUBI)

1TAG: Kunin mo siya!

(Sisigaw ang mga PULUBI’t sasaluhin ang manika. Pagtatapun-tapunan nila ang manika sa iba’t-ibang sulok ng silid habang nagsisigawan at nagtatawanan. Hahabulin naman ni SERAPIO ang manika. Mahahagis ang manika sa sahig, ngunit bago mapulot ni SERAPIO ang manika, sisigaw ang 1TAG)

1TAG: Bulagin natin siya! Bulagin!

Page 17: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

(Uulitin ng mga PULUBI ang sigaw. Kakaladkarin nila sis ERAPIO sa plataporma. Laha’t sila’y nagsisigawan at nagtatawanan. Biglang maririnig ng mga manonood ang hiyaw ng binulag na SERAPIO. Biglang tatahimik ang mga PULUBI’t lalayo kay SERAPIO. Babangon si SERAPIO. Duguan ang kaniyang mukha. Duguan din ang mga kamay ng ilang PULUBI. Gayundin ang kanilang mga damit. Walang imik ang mga PULUBI’t si SERAPIO. Susuray-suray na lalakad si SERAPIO. Mararapa siya’t gagapang. Aapuhapin niya ang manika. Biglang lalabas ang mga PULUBI maliban sa tatlo. Papalibutan nila si SERAPIO kasama ng mga TAGAPAGTANONG. Mahahawakan ni SERAPIO ang manika, ngunit bago niya makuha ito, sisipain ng isang PULUBI ang manika sa PULUBING nasa likod ni SERAPIO. Uulitin itong laro ng hipo-sipa. Biglang titigil ang mga PULUBI’t TAGAPAGTANONG. Lalabas ang mga PULUBI. Aakapin ni SERAPIO ang manika. Wala siyang imik.)

1TAG: Guwardiya! Ilabas mo nga siya. (Kakaladkarin ng mga guwardiya si SERAPIO sa labas ng silid. Aayusin ng mga TAGAPAGTANONG ang kanilang mga kasangkapan.)

HUK: Paminsan-minsan na lang itong mga paglilitis.

2TAG: Oo nga, eh. Di tulad ng dati.

HUK: Kelan ba ang susunod?

2TAG: Marso pa.

HUK: Isa pang buwan.

(Lalabas ang HUKOM at IKALAWANG TAGAPAGTANONG. Katahimikan.)

1TAG: (Sa mga manonood) Umaasa kami na nauunawaan ninyo kung bakit kami napilitang parusahan si Serapio. Tinuturuan niya ang mga kasaping magkaroon ng mga haraya, ang mga pangarap, na di naman matutupad at dadagdag lamang sa kanilang lumbay. Ang ginawa niya’y nakasisira sa mga kasapi nitong federacion. Ang ano mang federacion ay nangangailangan ng mga kaayusan, ng mga batas. Ang maninira nitong kaayusan ay mapanganib. Ang ginawa ni Mang Serapio’y salungat s aming mga batas. Ang ginawa niya’y pulos malisya. Ipinagtanggol lang naming an gaming kapwa tao. Ito’y dapat ninyong lubos na maunawaan. (Katahimikan.) Nakita ninyo sila isa-isang nag-alisan. Babalik din sila. Babalik. Alam ninyo, nagkamali si G. Serapio nang sinabi niyang kami’y sadyang pabaya sa mga matatandang kasapi. Ang mga matatandang kasapi, ang mga matatandang pulubi, ang siya mismong ayaw mabuhay. Pilitin mo man sila, ayaw nilang kumain, umiinom lang ng kaunting tubig, araw-araw., sapagkat wala silang makita kundi karimlan sa langit at hinihintay na lang ang pagdapo ni Kamatayan sa kanilang durungawan. (Sandalign tigil.) Bali-bali na ang aming mga pakpak. Wala sa amin ang lakas upang liparin ang napakataas na pader na kongkreto. Marahil ay ibinitin na nga ni Mang Serapio sa harap naming ang

Page 18: Ang Paglilitis ni Mang Serapio

susi na aming piitan, ngunit napakahirap hiwain ang sarili’t ilantad sa pag-ibig. Ang balon ay malalim, at nasa kailaliman ang nasang lumipad at hanapin ang sinag ng araw, ngunit ang gula-gulanit na diwa’y mahinang wumawagayway lamang. (Lalabas siya.)