fil 245 paper

24
Industriya ng Call Center, Globalisasyon, at Pagpaplanong Pangwika ng Pilipinas ni Maria Isabel B. Aguilar (Fil 245) Panimula Taong 2000 nang magsimulang lumago ang industriya ng call center sa Pilipinas. Hindi mapapantayan ang paglago nito at sa katunayan, mula sa pagkakaroon lamang ng mahigit kumulang 2, 400 na mga propesyonal na call center agent noong taong iyon ay umabot kaagad ang bilang na ito sa 112, 000 noong taong 2005. Ayon sa mga datos, mula noong taong 2000 ay umabot na sa 100% ang taunang paglago ng industriya ng call center sa Pilipinas. Kaya naman noong taong 2010 ay nanguna na ito sa industriya ng call center sa buong mundo habang pumapangalawa na lamang ang India. Ngunit bakit nga ba naging ganito kalaganap ang industriya ng call center sa Pilipinas? Tatlo ang sinasabing pangunahing dahilan sa pangyayaring ito: (1) mababang halaga ng lakas-paggawa sa Pilipinas; (2) pagkakaroon ng bansa ng sapat at maaasahang teknolohiya para sa pagtatayo ng call center; at (3) pagkakaroon ng sapat na bilang ng mga propesyonal, maging mga hindi 1

Upload: maria-isabel-aguilar

Post on 27-Oct-2014

205 views

Category:

Documents


3 download

TRANSCRIPT

Page 1: Fil 245 Paper

Industriya ng Call Center, Globalisasyon, at Pagpaplanong Pangwika ng Pilipinas

ni Maria Isabel B. Aguilar(Fil 245)

Panimula

Taong 2000 nang magsimulang lumago ang industriya ng call center sa Pilipinas. Hindi

mapapantayan ang paglago nito at sa katunayan, mula sa pagkakaroon lamang ng mahigit

kumulang 2, 400 na mga propesyonal na call center agent noong taong iyon ay umabot kaagad

ang bilang na ito sa 112, 000 noong taong 2005. Ayon sa mga datos, mula noong taong 2000 ay

umabot na sa 100% ang taunang paglago ng industriya ng call center sa Pilipinas. Kaya naman

noong taong 2010 ay nanguna na ito sa industriya ng call center sa buong mundo habang

pumapangalawa na lamang ang India.

Ngunit bakit nga ba naging ganito kalaganap ang industriya ng call center sa Pilipinas?

Tatlo ang sinasabing pangunahing dahilan sa pangyayaring ito: (1) mababang halaga ng lakas-

paggawa sa Pilipinas; (2) pagkakaroon ng bansa ng sapat at maaasahang teknolohiya para sa

pagtatayo ng call center; at (3) pagkakaroon ng sapat na bilang ng mga propesyonal, maging

mga hindi propesyonal, na mayroong mataas na kasanayan sa pakikipag-usap sa Ingles at

mayroong kasanayan sa teknolohiya. Marahil ay totoo nga ang mga dahilang ito, ngunit noong

mga nakaraang taon lang ay lumabas ang mga ulat na bumababa na ang kalidad ng kasanayan

ng mga Pilipino sa Ingles. Dahil dito ay nahihirapan na umanong makakuha ang mga kompanya

ng call center ng sapat na bilang ng empleyado na bihasa sa Ingles.

Ang pagiging magaling sa Ingles ng mga Pilipino ang sinasabing isa sa mga pangunahing

pang-akit ng Pilipinas sa mga mamumuhunan, kaya naman naalarma ang pamahalaan sa mga

1

Page 2: Fil 245 Paper

ulat na ito. Dahil dito ay sari-saring paraan ang ginawa ni dating Pangulong Macapagal-Arroyo

upang pataasin ang kalidad ng mga Pilipino sa pakikipag-usap sa Ingles. Isa na rito ay ang

pagpapatupad niya ng Executive Order No. 210 na may pamagat na “Establishing the Policy to

Strengthen the Use of English as a Second Language in the Educational System.” Isa pa rito ay

ang panukalang batas na isinusulong ni Rep. Eduardo R. Gullas, kaalyado ni Macapagal-Arroyo,

na HB 5619 na may pamagat na “An Act to Strengthen and Enhance the Use of English as the

Medium of Instruction in Philippine Schools.” Bukod pa rito ang sari-saring pagsasanay sa

kabihasaan sa Ingles na ipinatupad ng pamahalaan sa pamamagitan ng TESDA (Technical

education and Skills Development Authority).

Ang ginawang ito ni Macapagal-Arroyo ay nagkaroon ng malaking epekto sa patakarang

pangwika ng Pilipinas at sa katunayan maging ang kasalukuyang administrasyon ni Pangulong

Benigno “Noynoy” Aquino III ay may mga programang ipinatutupad din upang matugunan ang

pangangailangan sa lakas-paggawa ng industriya ng call center na nakaapekto sa patakarang

pangwika. Ngunit ano nga ba ang naging epekto ng pagiging laganap ng industriya ng call center

sa patakarang pangwika ng Pilipinas? At bakit nga ba bumababa ang kalidad ng pagiging bihasa

ng mga Pilipino sa Ingles sa kabila ng pagiging lantad ng mga ito sa wikang ito sa matagal na

panahon? Paano nga ba epektibong makakaagapay ang Pilipinas sa globalisasyon? Ano ba ang

pagpaplanong pangwika na nararapat gawin sa nagaganap na paglago ng industriya ng call

center sa bansa? At susi ba talaga ang pagpapalago sa industriya ng call center sa pagkakamit

ng Pilipinas ng tunay na kaunlaran?

Ang mga katanungang nabanggit sa itaas ang sisikaping sagutin ng papel na ito.

Magsisimula ang pagtalakay sa pamamagitan ng paglalahad muna sa sinasabing bumababang 2

Page 3: Fil 245 Paper

kalidad ng Ingles sa bansa saka tatalakayin isa-isa ang mga ginawa at ginagawang hakbang ng

pamahalaan upang sanayin ang mga Pilipino sa Ingles. Matapos ito ay saka tatalakayin ang

epekto ng paglago ng industriya ng call center sa patakarang pangwika ng Pilipinas pati na rin

kung paano epektibong makakaagapay ang Pilipinas sa globalisasyon. Saka tatalakayin ang

pagpaplanong pangwika na nararapat gawin upang mapunan ang pangangailangan ng

lumalagong industriya ng call center sa mga manggagawa na bihasa sa Ingles. Tatalakayin sa

huling bahagi ng papel kung susi ba talaga sa tunay na kaunlaran ng Pilipinas ang pagsuporta

nito sa paglago ng industriya ng call center. Dito ay tatalakayin din ang ugnayan ng wika at pag-

unlad ng isang bansa at kung ano ang nararapat gawin ng Pilipinas upang tuluyan nang makamit

ang minimithing kaunlaran na ito.

Industriya ng Call Center at Bumababang Kasanayan ng mga Pilipino sa Ingles

Marami na ang lumabas na pag-aaral ukol sa bumababang kasanayan ng mga Pilipino sa

wikang Ingles. Isa na rito ay ang pag-aaral na isinagawa ng IDP Education Pty. Ltd., isang

kinikilalang grupo na nagsagawa ng International English Language Testing System (IELTS) para

sa mga Pilipino na gustong magtrabaho sa ibang bansa. Lumabas sa pag-aaral na ito na hindi na

ang Pilipinas ang nangunguna sa Asya pagdating sa kasanayan sa wikang Ingles. Naunahan na

ang Pilipinas ng bansang Malaysia na nagkaroon ng puntos na 6.71 samantalang nagkaroon na

lamang ang Pilipinas ng puntos na 6.69 kaya bumagsak ito sa ikalawang pwesto. Sinundan ang

Pilipinas ng Indonesia na mayroong puntos na 5.99, sumunod ang India na may puntos na 5.79,

at Thailand na may puntos na 5.71. Ang pag-aaral na ito ay ang resulta ng IELTS na isinagawa

3

Page 4: Fil 245 Paper

noong taong 2008 na sumuri sa kakayahan sa pagbasa, pagsulat, pagsasalita, at pakikinig ng

mga Pilipino sa Ingles na gustong magtrabaho sa ibang bansa. Dahil dito ay nahihirapan na

umanong makakuha ang industriya ng call center ng mga manggagawa na sapat ang kakayahan

sa wikang Ingles. Ayon sa kanila, tatlo lamang sa isandaang aplikante para sa call center ang

nagkakaroon ng kasiya-siyang paggawa. Kaya naman ang ibang mga kompanya ng industriyang

ito ay nagsasagawa na ng sariling mga programa para sa pagsasanay ng mga Pilipino sa wikang

Ingles. At bukod sa pagsasagawa ng pormal na pagsasanay ay may mga patakaran din sila na

isinasagawa sa kanilang kompanya upang mahasa ang kanilang mga empleyado sa wikang

Ingles.

Upang mapalalim ang pag-aaral ng may-akda ukol sa bagay na ito ay nagsagawa ito ng

panayam sa ilang mga call center agents na nakapagtrabaho na sa iba’t ibang kompanya ng call

center sa Metro Manila. Isa sa aking nakapanayam ay si Anna, isang call center agent na

nagtatrabaho sa isang kompanya na matatagpuan sa Eastwood, Quezon City. Ayon sa kanya,

nahihirapan umano siyang sabihin ang gusto niyang sabihin sa wikang Ingles dahil hindi naman

niya ito unang wika. Mabuti na lamang umano ay madali lang ang account na hawak niya kaya

hindi naman niya kailangan magsalita ng komplikadong Ingles. Para sa kanya ay mas

nahihirapan siya sa English Only Policy (EOP) na ipinatutupad sa kanilang kompanya. Sa

patakarang ito ay hindi maaaring magsalita ng ibang wika bukod sa Ingles ang mga call center

agent sa lahat ng bahagi ng kanilang kompanya – katulad na lamang sa pantry, CR, at iba pa.

Hindi lamang daw siya ang nakararanas nito kundi maging ang ibang mga katrabaho niya rin.

Sabi pa nga ng iba na aking nakapanayam ay animo paglabag na raw ito sa kanilang karapatang-

pantao dahil kahit sa normal lamang na pakikipag-usap sa kanilang mga katrabaho ay kailangan 4

Page 5: Fil 245 Paper

pa nilang magsalita ng Ingles. Patunay si Anna at ang kanyang mga kasamahan sa mga

lumalabas sa pag-aaral na nahihirapan na ang mga Pilipino sa Ingles, partikular na sa pagsasalita

nito. Kaya naman nagsagawa na ang pamahalaan ng iba’t ibang paraan upang mapaunlad ang

kasanayan ng mga Pilipino sa wikang ito.

Patakarang Pangwika para sa Pagpapaunlad ng Kasanayan ng mga Pilipino sa Ingles

Dahil malaki ang naitutulong ng industriya ng call center sa paglago ng ekonomiya ng

Pilipinas sa kasalukuyan ay pilit na binigyang-solusyon ng dating administrasyon ni Macapagal-

Arroyo at pinipilit bigyang-solusyon maging ng kasalukuyang administrasyon ni Noynoy Aquino

ang paghina ng kasanayan ng mga Pilipino sa wikang Ingles. Direktang natamaan ang

institusyon ng edukasyon sa patakarang pangwika na ipinatupad dahil layunin nito na maging

bihasa ang mga mag-aaral sa wikang Ingles dahil ang mga ito ang magpupuno sa kinakailangang

lakas-paggawa sa industriya ng call center sa hinaharap.

Isa sa mga solusyong naisip ni dating Pangulong Macapagal-Arroyo ay ang

pagpapatupad ng Executive Order 210 na kung saan isinasaad nito na dapat ay hindi bababa sa

70% ang pagkalantad ng mga estudyante sa wikang Ingles sa mataas na paaralan. Kaya naman

nakasaad sa Executive Order 210 na Ingles dapat ang gagamiting midyum sa pagkatuto sa

mataas na paaralan. Layunin umano ng patakarang ito na mapaunlad ang pagsasanay ng mga

Pilipino sa wikang Ingles upang mas madali umano ang mga ito na makakuha ng trabaho sa

hinaharap. Sa kabila ng mga pagtutol ng iba’t ibang sektor sa Executive Order 210 (partikular na

ng akademya) ay ipinatupad pa rin ito ni dating Pangulong Macapagal-Arroyo at sa katunayan

5

Page 6: Fil 245 Paper

ay malaki pa rin ang impluwensya ng patakarang ito sa iba’t ibang paaralan dahil hanggang sa

kasalukuyan ay ipinatutupad pa rin nila ito.

Samantala, sa panahon din ng administrasyon ni dating Pangulong Macapagal-Arroyo

nang isulong ni Rep. Eduardo Gullas ang HB 5619. Ang panukalang batas na ito ay ang

pinagsama-samang panukalang batas na HB 230 na ipinanukala ni Rep. Luis R. Villafuerte, HB

305 na ipinanukala mismo ni Rep. Gullas, at HB 446 na isinulong naman ni Rep. Raul V. Del Mar.

Layunin umano ng panukalang batas na ito na (1) itama ang depektibong Bilingual na Patakaran

sa Edukasyon (BPE) sa pamamagitan ng pagtamo sa layunin nito na mapaunlad ang proseso ng

pagkatuto sa mga paaralan sa Pilipinas; (2) maitaas ang pagiging bihasa ng mga mag-aaral sa

wikang Ingles upang makaagapay sa pangangailangan ng komersyo; at (3) maging bihasa ang

mga mag-aaral sa wikang Ingles dahil daan umano ito upang makakuha ang mga nagsipagtapos

ng kolehiyo ng magandang trabaho sa Pilipinas o maging sa ibang bansa man.

Kabilang sa mahahalagang probisyon ng HB 5619 ang mga sumusunod (a) maaaring

gamitin bilang midyum ng pagkatuto mula Preschool hanggang Ikatlong Baitang ang Ingles,

Filipino, at mga katutubong wika; (b) dapat ituro ang Ingles at Filipino bilang mga asignatura sa

lahat ng antas sa mababa at mataas na paaralan; (c) mula Ikaapat hanggang Ikaanim na baitang

ay gagamitin na ang Ingles bilang midyum sa pagkatuto sa lahat ng akademikong asignatura; (d)

papanatilihin ang kasalukuyang patakarang pangwika na ipinatutupad ng Commission on Higher

Education (CHED) sa tersyaryong antas; at (e) pasisiglahin ang gamit ng Ingles bilang wika ng

interaksyon sa mga paaralan. Makikita sa panukalang batas na ito na binabawasan nito ang

pagkalantad ng mga mag-aaral sa wikang Filipino at sa halip ay inilalantad sila sa wikang Ingles

sa lahat ng kanilang asignatura maliban na lamang sa asignaturang Filipino. Naniniwala ang mga 6

Page 7: Fil 245 Paper

mambabatas na sa paraang ito ay magiging bihasa ang mga mag-aaral sa wikang Ingles. Ngunit,

suportado kaya ang rekomendasyon nilang ito ng mga nakaraang pag-aaral na ginawa ukol sa

kung ano ang epektibong wika na dapat gamitin bilang midyum ng pagkatuto?

Ayon sa mga pag-aaral na isinagawa ay mas madaling natututo ang bata kung unang

wika ng mga ito ang gagamitin bilang midyum ng pagkatuto sa pagsisimula ng mga ito sa pag-

aaral, kabilang na sa mga asignaturang English at Filipino. Sa isang pag-aaral na isinagawa sa

Lubuagan, Kalinga na kung saan ang unang wika ang ginamit bilang midyum ng pagkatuto mula

Unang Baitang hanggang Ikatlong Baitang ay lumabas na mas mataas ang nakuhang marka ng

mga estudyante rito sa English, Math, Science, at Filipino sa achievement tests kumpara sa

ibang mga paaralan. Sa pag-aaral na ito, ginamit muna bilang midyum ng pagkatuto ang

kanilang unang wika mula Unang Baitang hanggang Ikatlong Baitang saka ipinakilala ang Filipino

at Ingles sa Ikaapat na Baitang pataas. Dahil sa tagumpay ng pag-aaral na ito ay tuluyan nang

inakma ng Lubuagan ang sistemang ito sa kanilang edukasyon.

Hindi nakapagtataka ang tagumpay ng nabanggit na pag-aaral dahil sa paraang ito ay

nagiging dalubhasa muna ang mga bata sa kanilang unang wika na mahalagang pundasyon nila

upang matutunan ang ikalawang wika. At dahil nagamay nila ang mga wikang ito ay mabilis

nilang nauunawaan ang mga konseptong itinuturo na magpapaunlad sa pagkakaroon nila ng

kritikal na pag-iisip habang tumatagal. Makikita rito na maging sa mga asignatura na may

kinalaman sa pag-aaral ng wika katulad na lamang ng English at Filipino ay naging epektibo ang

paggamit ng unang wika bilang midyum ng pagkatuto dahil mataas din ang nakuha nilang marka

rito.

7

Page 8: Fil 245 Paper

Isa pang paraan na ginagawa ng pamahalaan upang sanayin sa wikang Ingles ang mga

Pilipino upang makaagapay sa pangangailangan ng industriya ng call center ay ang paglalaan ng

pondo para sanayin ang mga Pilipino sa wikang Ingles. Noong taong 2007 ay naglaan ang

pamahalaan ni dating Pangulong Macapagal-Arroyo ng 350 milyong piso para sa pagsasanay ng

higit kumulang sa 70 000 na call center agents at iba pang manggagawa para sa industriya ng

Business Process Outsourcing (BPO). Sabi nga noon, malaki ang magagawa ng suportang ito

mula kay dating Pangulong Macapagal-Arroyo upang lalo pang mapalago ang industriya ng BPO,

kabilang ang call center, sa bansa at hindi maglalaon ay mangunguna na ang Pilipinas bilang

destinasyon ng BPO sa Asya. Hindi nga naglaon ay nangyari ito at maging ang administrasyon ni

Aquino ay wala ring patid ang suporta sa industriyang ito. Katulad ni dating Pangulong

Macapagal-Arroyo ay naglaan din si Aquino ng kaukulang pondo para sa pagsasanay ng mga call

center agents.

Industriya ng Call Center at Globalisasyon

Iba’t iba ang ginawang hakbang ng pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan

ng mga manggagawa para sa industriya ng call center. Makikita na ang mga ipinanukalang batas

ukol sa patakarang pangwika sa mga paaralan ay nilikha upang makaagapay sa

pangangailangang ito ng industriya. Dahil sa nangyayari ay maaaring sabihin na habang nag-

aaral pa lamang ang isang batang Pilipino ay inihahanda na agad ang mga ito ng mga

kasalukuyang namumuno sa bansa upang maging mga call center agents. At kung kulang pa rin

sila sa kakayahan kahit nakapagtapos na sila ng pag-aaral ay may mga programa pa ang

8

Page 9: Fil 245 Paper

pamahalaan upang sanayin silang maging bihasa sa Ingles para lamang makaagapay sa

pangangailan sa mga manggagawa ng lumalagong industriya ng call center sa bansa.

Ang pag-unlad ng industriya ng call center ay bahagi ng kasalukuyang nagaganap na

globalisasyon. Borderless world kumbaga. Dahil sa mababang halaga ng lakas paggawa sa

Pilipinas ay sa bansa pinipili ng mga dayuhan na mag-outsource dahil napakalaki nga naman ng

matitipid nila rito. At kasabay nga ng paglaganap ng globalisasyon ay ang pangangailangan din

na mapaunlad ang wika na nagpapaunlad nito. Ang Pilipinas na nakasandal ang ekonomiya sa

mga dayuhan ay nakadarama ng labis na pangangailangan na mahasa ang mga mamamayan

nito sa wika ng globalisasyon. Kaya naman patuloy ang pagsasabatas ng mga bagong

patakarang pangwika na lalong magpapaunlad sa Ingles at makapagpapahina sa Filipino.

Layunin ngayon ng pamahalaan na lalong dumami ang bilang ng mga mamumuhunan na

kompanya ng call center sa bansa na magbubukas sa milyon-milyong trabaho sa industriya ng

call center.

Pagpapaplanong Pangwika para sa Industriya ng Call Center

Dahil sa kakapusan sa supply ng mga manggagawa para sa industriya ng call center ay

tinatanggap na lang ng mga kompanya kahit na ang mga aplikante na hindi ganoon kagaling sa

Ingles, at saka na lamang nila hahasain nang husto ang mga ito sa pamamagitan ng paglulunsad

ng mga pagsasanay sa loob ng kompanya para sa mga ito. Ayon nga sa nabanggit na kanina,

tatlo lamang sa isandaang aplikante na natatanggap ang nakapagbibigay ng kasiya-siyang

trabaho para sa mga kompanya ng call center kaya naman tinatanggap na rin nila kahit hindi

9

Page 10: Fil 245 Paper

masyadong bihasa sa Ingles at sinasanay na lamang upang matugunan lamang ang kanilang

pangangailangan sa lakas-paggawa.

Kung mababa ang kalidad ng kabihasaan sa Ingles ng mga mag-aaral na nagsisipagtapos

sa Pilipinas ay maiuugat ito sa hindi epektibong patakarang pangwika na ipinatutupad sa

sistema ng edukasyon. Makikita na malaki ang kinalaman ng patakarang pangwika na

ipinatutupad sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas sa pagpaplanong pangwika na dapat

ipatupad upang makaagapay ang bansa sa pangangailangan ng mga manggagawa sa industriya

ng call center. Mapapansin na pumalpak ang BPE sa epektibong paglinang sa kakayahan ng mga

mag-aaral na Pilipino, partikular na sa paglinang sa kakayahan ng mga ito na maging bihasa sa

wikang Ingles, kaya naman aktibong isinusulong ngayon ang Mother Tongue-Based Multilingual

na Edukasyon (MTB-MLE). Kung titingnan ay hindi sapat ang pagiging lantad ng mga mag-aaral

sa isang wika (sa pamamagitan ng paggamit dito bilang midyum ng pagkatuto) upang maging

bihasa sila rito, at sa halip ay dapat nauunawaan nila nang lubusan ang mga itinuturo sa kanila

sa pamamagitan ng paggamit ng wika na pamilyar sa kanila. Sa ganitong paraan ay mas

natututo sila at mas nagagamay nila ang mga asignaturang pangwika na itinuturo sa kanila

katulad na lamang ng resulta na lumabas sa pag-aaral sa Lubuagan. Kaya naman naniniwala ang

may akda na kapag epektibong naipatupad ang MTB-MLE sa bansa ay lilikha ito ng mga

nagsipagtapos na mga mag-aaral na lubhang bihasa sa wikang Ingles kaya hindi na mahihirapan

ang Pilipinas kinalaunan na makakuha ng mga manggagawa para sa industriya ng call center.

Sa kasalukuyan ay makikita na malaki talaga ang naitutulong ng industriya ng call center

sa ekonomiya ng bansa ngunit ang tanong -- hanggang kailan ito? Kung susuriing mabuti ay

hindi susi ang pag-usbong ng industriyang ito upang tuluyan nang makamit ng Pilipinas ang 10

Page 11: Fil 245 Paper

matagal na nitong inaasam na kaunlaran. Kaya nararapat lamang na gumawa ang pamahalaan

ng hakbang na talagang magiging susi upang makamit ito. Sa puntong ito ay papasok ang

katanungang: ang pagiging bihasa ba talaga sa wikang Ingles ang susi sa pagtatamo ng Pilipinas

ng tunay na kaunlaran?

Wika at Pag-agapay ng Pilipinas sa Globalisasyon

Matagal nang pinagtatalunan kung gaano nga ba kaimportante sa Pilipinas ang Ingles sa

pagtatamo nito ng kaunlaran at sa pakikisangkot nito sa globalisasyon. Hindi sinasabi ng may-

akda na hindi mahalaga ang Ingles sa pakikisangkot ng Pilipinas sa globalisasyon dahil alam ng

lahat na mahalaga ito. Kaya nga nag-aaral na ngayon ng Ingles ang iba’t ibang mga bansa sa

Asya na dati ay hindi halos gumagamit ng wikang Ingles katulad na lamang ng Tsina, Timog

Korea, at Hapon dahil naramdaman na nila ang pangangailangan para rito. Kaya naman iniisip

siguro ng ilang Pilipino na kapag naging mas magaling ang mga Pilipino sa pag-aaral ng Ingles sa

mga bansang ito ay matatalo na nila ang mga ito. Ngunit kung titingnang mabuti ay

mapapagtanto na hindi totoo ito dahil taglay ng mga mamamayan ng mga nabanggit na bansa

ang kasanayan sa iba’t ibang larangan na kanilang natutunan sa pamamagitan ng kanilang

sariling wika. Kaya naman masasabi na nakasabay ang mga bansang ito sa mga unang bahagi ng

globalisasyon gamit lamang ang kanilang sariling wika at pinag-aralan na lamang ng mga ito ang

Ingles kinalaunan bilang pantulong. At makikita naman na hindi matatawaran ang mga naabot

ng mga bansang ito dahil sila ngayon ang pinakamauunlad na bansa sa Asya.

Ang mga nabanggit na bansa ay magpapatunay na mahalaga ang paglinang ng sariling

wika upang makamit ng isang bansa ang tunay na kaunlaran. Taliwas ito sa nararanasan ng 11

Page 12: Fil 245 Paper

Pilipinas at nakalulungkot isipin na ang ibang mamamayan ay kakikitaan pa ng kawalang

pagpapahalaga sa pambansang wika, at sa halip ay ipinipilit pa nila ang paggamit lamang ng

wikang Ingles sa paniniwala na sa pamamagitan lamang nito epektibong makaaagapay ang

Pilipinas sa globalisasyon. Kumbaga, habang lalong binibigyang importansya ang wika para sa

pakikipag-ugnayang internasyonal ay halos inaalis naman sa eksena ang pambansang wika, at

masasabi na dahil dito ay parang tinatanggalan na rin nila ang mga Pilipino ng identidad. Alam

ng lahat na napakahalaga ng identidad upang magkaroon ang mga mamamayan ng “sense of

belongingness” sa isang lugar, na mahalaga upang mapukaw sa kanilang mga damdamin ang

pagiging makabayan.

Dagdag pa rito, mahirap sa kasalukuyan para sa mga Pilipino na hanapin ang kanilang

pagkakakilanlan dahil sa kasalukuyang sistema ng edukasyon sa bansa, lalo na sa patakarang

pangwika na ipinatutupad. Makikita kasi na buhay na buhay pa rin sa karamihan sa mga Pilipino

ang pagiging rehiyonalista (regionalistic) dahil sa kasalukuyang sistema ng edukasyon. Hindi kasi

maitatatwa na marami pa rin etnolinggwistikong grupo na hindi pa rin masyadong tanggap ang

Filipino bilang pambansang wika. Iniisip kasi ng mga ito na hindi masyadong pinahahalagahan sa

bansa ang kanilang wika kaya naman mayroon silang kagustuhan na i-assert ang kanilang

bernakular na wika. Dahil dito ay makikita na mahalaga ang wika sa pagtatamo ng pagkakaisa

ng bansa. At ang pagkakaisang ito ay malaking bagay upang tuluyan nang makamit ng bansa

ang hinahangad nitong kaunlaran dahil magkakaroon na ng pagnanais ang karamihan sa mga

mamamayan nito na gawin ang lahat ng paraan para lamang sa ikabubuti nito.

Kaya naman kung maipapatupad na ang MTB-MLE ay tiyak na maipaparamdam na sa

mga etnolinggwistikong grupo ang pagpapahalaga hindi lamang sa kanilang wika kundi maging 12

Page 13: Fil 245 Paper

sa kanilang pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Mula sa pagninilay-nilay nila na kasapi sila ng

isang komunidad kaya nararapat lamang na gawin nila ang kanilang bahagi para sa ikabubuti

nito, ay lalawak ang kanilang kamalayan hanggang sa pambansang antas dahil ipapakilala rin sa

kanila ang wikang Filipino kapag nayakap na nila ang kanilang unang wika. Dahil dito ay

magkakaroon na sila ng “sense of belongingness” sa Pilipinas at unti-unti ay magkakaroon na

sila ng pagmamahal dito at gagawin na nila ang mga paraan na kanilang nalalaman para lamang

sa ikabubuti nito. Mula sa pambansang antas ay lalawak naman ang kanilang kamalayan sa

internasyonal na antas dahil ituturo rin sa kanila ang wikang Ingles. Dahil dito ay mas may

kakayahan na sila ngayon na humarap sa daigdig bitbit ang kanilang malalim na pagkakakilanlan

bilang mga Pilipino at maging mga mahuhusay sa kani-kanilang mga napiling larangan. Sa

ganitong paraan ay masasanay ang mamamayan ng Pilipinas na maging mahusay na mga

propesyunal na taglay ang teknikal na kakayahan, pati na rin ang kakayahan sa wika.

Wika at Kaunlaran

Sa kasalukuyan ay malaki ang bahaging ginagampanan ng industriya ng BPO at mga

perang padala ng mg OFW sa ekonomiya ng Pilipinas. Ngunit hindi dapat iasa ng Pilipinas ang

ekonomiya nito sa industriya ng BPO at sa padalang pera ng mga OFW lamang. Dapat ay

lumikha ang bansa ng mga produktibong mamamayan na magtutulong-tulong para sa

kaunlaran ng bansa. Mas mahalaga na makalikha ang bansa ng mga world-class na mga

magsasaka, tekniko, artisano, inhinyero, doktor, nars, siyentipiko at iba pang mga manggagawa

na bihasa sa kani-kanilang larangan na kayang makipagkompetensya sa mga pinakamagagaling

sa mundo katulad na lamang ng mga nabanggit kanina na mga mauunlad na bansa sa Asya. 13

Page 14: Fil 245 Paper

Dapat mapagtanto ng karamihan sa mga Pilipino na mas mahalaga ang kabihasaan sa larangan

na iyong napili kaysa pagiging magaling sa Ingles. Kumbaga, bonus na lamang dapat ang

pagiging magaling sa Ingles dahil mas mahalaga ang kakayahan ng isang tao sa larangan na

kanyang napili.

Masasabi na mababalewala lamang ang kursong natapos ng isang mag-aaral kung hindi

naman siya naging magaling sa larangan na iyon at sa halip ay napunta siya sa isang trabaho na

ang batayan lamang ng pagkatanggap ay ang pagiging magaling sa wikang Ingles. Halimbawa,

ang isang mag-aaral na nagtapos ng kursong Computer Science na magaling sa Ingles ngunit

hindi naman magaling na computer programmer ay posibleng mapunta lamang sa trabaho na

kung saan wala naman kinalaman ang kanyang kurso, katulad na lamang ng pagiging call center

agent. Mas maganda sana kung ang natutunan niya ay ang pagiging magaling na computer

programmer dahil ito naman talaga ang pinag-aralan niya sa kursong kinuha niya.

Bukod dito ay dapat din mapagtanto ng mga Pilipino na hindi nito tuluyang

maisasakatuparan ang pagiging isang bansa na mayroong mga mamamayan na nangangalaga sa

kapakanan nito kung patuloy na magkakaroon ng malaking bahagi ang isang banyagang wika sa

midyum ng pagkatuto. Mahihirapan kasi ang mga mamamayan na makiisa sa bansa dahil hindi

nakaugat sa kanilang kultura ang proseso ng pagkatuto. Sa lagay na ito ay patuloy na yayakapin

ng mga Pilipino ang kultura ng mga dayuhan at patuloy silang magnanais na maging katulad ng

mga ito at ang masaklap pa rito, ang iba ay halos itakwil pa ang kanilang pagka-Pilipino. Kaya

naman mahalaga na maikintal sa mga Pilipino ang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng

pagkakaroon ng sistema ng edukasyon na nakaugat mismo sa kanilang sariling kultura at

14

Page 15: Fil 245 Paper

pagkakakilanlan. Sa ganitong lagay ay magkakaroon ng maraming Pilipino na magtutulong-

tulong para sa ikauunlad ng bayan.

Paglalagom

Malaki man ang naitutulong ng industriya ng call center sa ekonomiya ng Pilipinas sa

kasalukuyan ay hindi pa rin dapat tuluyang sumandal ang bansa sa industriyang ito at sa halip

ay dapat na sanayin nito ang mga mamamayan na maging magaling sa teknikal na kasanayan,

na kung saan maaaring ipakipagsabayan sa buong mundo. Ito ang epektibong pag-agapay sa

globalisasyon at hindi lamang pagiging bihasa sa wikang Ingles; sabi nga, bonus na lamang ito.

Bukod dito ay mahalaga rin na maikintal sa mga Pilipino ang pagmamahal sa bansa at

magagawa lamang ito sa pagpapatupad sa sistema ng edukasyon na kung saan nakaugat sa

kultura at pagkakakilanlan upang madali nilang maiugnay ang kanilang mga sarili sa Pilipinas.

Kapag nangyari ito, dadami ang mga Pilipino na mangangalaga sa kapakanan ng Pilipinas at

gagawin nila ang lahat para lamang sa ikabubuti nito. Kapag dumami na ang Pilipino na tunay

na nangangalaga sa kapakanan ng Pilipinas ay hindi na imposible na makamit ng bansa ang

matagal na nitong inaasam na kaunlaran. At dahil sa ugnayan ng wika at pag-unlad ng isang

bansa ay malaki ang magiging papel ng pagpaplanong pangwika dito sa holistikong aspekto nito.

15