refleksyon sa panahon ng kastila sa pagsasalin
TRANSCRIPT
Aissa Abegail A. JimenezFil 280- Pagsasalin sa Pilipinas 1Prof. Lilia Antonio
Refleksyon sa Panahon ng Kastila sa Pagsasalin
Sa aklat ni Lilia Antonio hinggil sa Apat na Siglo ng Pagsasasalin, isa itong
Bibliograpiya ng mga Pagsasalin sa Filipinas mula 1593-1998. Nahati ito sa apat na
siglo na siyang kumakatawan sa mga panahon na nakapagbigay ng malaking pag-
aambag sa panitikang Filipino—a) Panahon ng Kastila (1593-1898), b) Panahon ng
Amerikano (1900- 1940), c) Panahon ng Hapon (1941-1945), d) Kasalukuyang
Panahon (1946-1998). Ang aklat na ito ay nagtatampok ng mga pagsasalin ng iba’t
ibang anyong malaganap sa bawat panahon. (Antonio, 1999).
A. Kalagayang Panlipunan
Noong 1521, dumating ang mga Kastila sa Pilipinas. Ang pangunahing layunin
nila ay sakupin at palaganapin ang kristiyanismo sa ating bayan. Ito ang naging dahilan
kung bakit kasama ng mga Kastila ang mga konkistador sa pagdating sa Pilipinas.
Pinag-aralan ng mga kastila ang mga wikain kasama ang alpabeto ng Pilipinas at
ipinasok ang alpabetong Romano sa bansa. Ito ang dahilan ng masaliang pagsakop
nila sa bansa sapagkat sinakop nila ang puso at isipan ng bawat Pilipino. Kasama na
rin dito ang pagpapalimbag ng mahigit sa limang daang iba’t ibang aklat 1
B. Katangiang Pampanitikan
Ang panitikan ng panahong ito ay karaniwang may paksaing panrelihiyon upang
lubhang mapalaganap ang Katolisismo sa bansa. Nagtataglay ito ng sari-saring
kaanyuan at pamamaraan tulad halimbawa ng liriko, kurido, awit, pasyon, senakulo,
1 Ofelia B. Olaya, et. al. Dangal ( Isang Pagsusuri sa Pag-unlad ng Panitikan sa Pilipinas.) (Manila: Departamento ng Filipino, Pamantasan ng Adamson, 2001, ph 26.)
karagatan, duplo, komedya o moro-moro, talambuhay at sarsuwela 2 at mga
pagsasaling wika.
Mapapansin ang iba’t ibang mga wikain natin sa panahong ito, ang
impluwensyang Kastila at sa Kanluranin Kaya’t ang mga akda’y nahati sa dalawa:
pangwika at panrelihiyon.
C. Mga Uri at anyo ng isinaling akda
Isa sa pinakamayamang panahon ang panahon ng kastila dahilan sa mga iba’t
ibang anyo ng panitikan. Tatlong anyo ng panitikan ang lumaganap noong panahon ng
kastila. Ito ay ang anyong patula,tuluyan at dula. Bunga nito ay nakaakda sila ng mga
akdang pangrelihiyon tulad ng mga sumusunod:
a) Doctrina Cristiana en lengua española y tagala (1593), isang aklat na
naglalaman ng mga panalangin, panuntunan sa pananampalatayang
kristiyanismo. Nilimbag ito sa pamamagitan ng silograpiya na nasusulat sa
kastila at Tagalog. Ito’y sinulat ni P. Domingo Nieva,O.P. at P. Juan de
Placencia. Ang mga nilalaman nito ay ang mga sumusunod:
a. Pater Noster
b. Ave Maria
c. Credo
d. Regina Coeli
e. Sampung Utos
f. Mga Utos ng Iglesia
g. Pitong Kasalanang Moral
2Mahalagang maunawaan ang kahulugan ng mga ss: 1. Liriko,patulang pasalaysay, 2. Awit at Kurido, tulang paawit, 3. Pasyon, anyo ng saknong na may limang taludtod na naglalaman ng mga paghihirap ni Hesukristo, 4. Senakulo , 5. Karagatan,isang paglalaro sa tula, ng mga binata’t dalaga at ang paksa’y pagliligawan o pagsisintahan 6. Duplo, isang laro sa patay upang makatighaw sa kabagot-bagot at malungkot na sandal ng pagdarasal para sa patay, 7. Moro-moro, ipinapakita rito ang lahat ng mga bagay na hinihingi ng iba’t ibang uri ng akdang pandulaan, 8. Talambuhay, naglalaman ng buhay ng mga santo at santa, 9. Sarsuwela, isang dulang may awitan at sayawan sa paraang patula/ tuluyan na may 1-5 yugto. Ito ang mga akdang pampanitikan na may maliking naimbag sa panahon ng kastila.
h. Labing-apat na Pagkakawanggawa
i. Pangungumpisal
j. Katesismo
b) Barlaan at Josapahat (1708 at 1712), mula sa salaysay sa Bibliya,
isinalin sa Tagalog ni P. Antonio de Borja mula sa wikang Griyego, ay
inilimbag. Ito’y ipinapalagay na kauna-unahang nobelang Tagalog
bagama’t ito’y isinalin lamang buhat sa ibang wika. Isinalin din ito sa
Iloko ni P. Agustin Mejia. Ang pangunahing layunin sa pagkakasulat
ng aklat na ito ay ang madaliang pagpapalaganap ng Katolisismo.
c) Pasyon, ito’y isang salaysay na patula hinggil sa buhay ni Hesus mula
sa kanyang pagkasilang hanggang sa pagkakapako sa krus. Ito’y
isang bibliya ng mga Pilipino nang panahong iyon. Nasusulat ito sa
iba’t ibang wikain sa Pilipinas.
Apat na may-akda ng pasyon:
a. P. Gaspar Aquino de Belen, 1704
b. Don Luis Guilan, 1750
c. P. Mariano Pilapil, 1814
d. P. Aniceto de la Merced, 1856
Higit na lumaganap ang paggamit ng pasyong Pilapil na
nagtataglay ng limang taludtod ang bawat saknong at ang sukat na may
wawaluhing pantig. Narito ang halimbawa:
O, Diyos sa kalangitan,Hari ng sangkalupaan
Diyos na walang kapantay,Mabait lubhang maalam,At puno ng karunungan. 3
Ang pasyong de la Merced naman ay may nagsasabing may
mataas na uri sa lahat, nagtataglay ito ng dalawang malaking bahagi,
maging sa pamamaraan ng pagkakasulat. Ang unang bahagi ay
lalabindalawahing pantig ang bawa’t taludtod at ang ikalawang bahagi
ay limang taludtod.
Unang Bahagi
Ang Diyos ay Diyos karaka-raka naKapagkaraka na ay tatlong persona;Sa persona’y walang mahuli’t maunaSapagka’t ang tatlo ay Diyos na iisa.
Ikalawang Bahagi
O Poon ko’t Amang Diyos Katamis-tamisang HesusIyo pong Ipagkaloob Na matamisin kong lubosAng sa akin ay pag-ayop4
d) Urbana at Feliza, nauukol sa pagsusulatan ng magkapatid na si
Urbana at Feliza. Si Urbana’y nakatatanda na nasa lunsod at si
Felisa’y nakababata na nasa Paombong, Bulacan. Sa pamamagitan
ng liham na ito ay ipinababatid ni P. Modesto de Castro ang maiinam
na asal ng mga tao. Upang pagtibayin ang kanyang mga aral,
humango si De Castro sa “Banal na Kasulatan” na akma sa kanyang
mga isinulat. Dahil sa Urbana at Feliza, tinaguriang “Ama ng
Tuluyang Klasika si Padre Modesto de Castro. ( Pineda, 1972)
3 Gertrudes K. Del Rosario-Pineda, et.al. Panitikang Pilipino. (Manila: Manlapaz Pubilishing, 1972), ph.57.
4 G.K. del Rosario- Pineda, ph. 57
e) Mga Dalit, Imno at Awit, Ang nakagawian sa mga lalawigan ng Luson
ay ang pagdadalit sa mga santo at santa. Isang halimbawa rito ay
ang “Flores de Mayo” na ginaganap tuwing sasapit ang Mayo. Isa
itong papuri kay Birheng Maria, ang mga bata ay nag-aalay ng mga
bulaklak habang dinadalit ang pagpuri sa birhen.
f) Mga Buhay-buhay ng mga Santo’t Santa, naglalaman ito ng mga
talambuhay ng mga santo’t santa na siyang naging huwaran ng mga
tao upang di indahin ang pagpapakasakit sapagkat ito’y nagbubunga
ng walang hanggang kaluwalhatian.
Bukod sa mga akdang pampanitikan ay may malaking naiambag sa panitikang
pilipino ang akdang pangwika noong panahon ng kastila, ang mga nalimbag na mga
aklat. Kabilang sa mga akda noong panahong yaon ay sina P. Juan de Quiñones at P.
Juan de Plasencia na pawang sumulat ng gramatika at bokabularyong tagalog.
Ang Arte y Vocabulario Tagalog (1582) ni P. Plasencia ay tinanggap bilang
patnubay sa pag-aaral ng wika. Nagpalimbag din ng mga ibang aklat tulad ng Memorial
de la Vida Christiana en Lengua Tagala (1915) ni P. Blancas de San Jose. Ilan lamang
ito sa mga akdang pangwika na naipalimbag noong panahon ng Kastila.
Ang Vocabulario De La Lengua Tagala ay naglalaman ng ginamit na
bokabularyo ng panahong yaon na makikita sa mga mga larawan.
Ang Arte De La Lengua Tagala y, Manual Tagalog, ay isang sipi para sa mga
administrasyon. Ito ay naglalaman ng mga pagsasalin mula sa salitang Kastila sa Filipino. Narito
ang kopyang digitized mula sa orihinal na sipi na naipalimbag sa Colegio de Santo Tomas,
Manila, 1850 na pinamunuan ni D. Manuel Ramirez.
D. Pagtatasa
Ang pagsasalin ay may papel na ginampanan ng panahong ng kastila.
Mababakas ang layunin at mithiin ng mga kastila sa mga Pilipino nang panahong ito.
Ang pangunahing layunin ng mga kastila ay ang palaganapin ang kristiyanismo, nang
lumaon ay ibig na nilang matuto ang mga Pilipino ng kanilang wika na matatagpuan sa
ordinansa noong 1642 at 1752.5 Nabago rin ang patakarang ito ng hindi naging
mabunga at lumawig ang ordinansang ito.
Nang lumaon, sinasabing ang kaalaman ng mga Pilipino sa wikang Espanyol at
ang patuloy nilang pag-aaral ay makasisira ng pundasyon ng superyoridad ng lahi.6
Sinasabi rin ng mga kastila na:
We sincerely believe that the native, if he once comes to understand the Castilian in the genuine meaning of the world, will never come to identify himself with them ( the Spaniards). 7
Mapapansin na mataas ang pagtingin ng mga kastila sa kanilang estado sa
Pilipinas bagamat sila ay mananakop lamang. Sa paggamit pa lamang ng wika ay
makikitang ito ay nagpapakilala ng superyoridad ng bawat isa.
Isang isyu lamang ang wika sa pagsasalin. Ngunit napakalaki ng ginampanan
ng wika sa katayuan ng Pilipino at ng Espanyol sa larangan ng superyoridad na
nagpapakita ng malaking pagkakaiba magkaibang lahi.
Sa mga pagsasaling nagawa na matatagpuan sa aklat na Apat na Siglo ng
Pagsasalin, mapapansing naghahalo ang wikang banyaga sa wikang Pilipino. Isang
5 Ernest J. Frei. The Historical Development of the Philippine National Language. (Manila. Bureau of Printing) ph. 12.
6 Ibid., ph. 18
7. Ibid., ph.18
halimbawa ay ang akda ni Luis de Amezquita O.S.A. na Catesismo na
pinagpapalamnan nang manga pangad-yi at maicling casaysayan na dapat pag-aralan
nang tauong Cristiano na isinulat ni Padre Geronimo de Repalda,S.J. (1536-1618)8, ay
kapansin-pansin sa paraan ng pagsasalin na ang alfabetong españyol9 o ang romanong
titik ang sadyang ginamit.
Ang una Gagamitin ng CristianoSa anomang Gagawin Antanda ng –
I Santa Cruz ang ipagadya mo sa amin,Panginoon naming - - Dios, sa mga kaaway -I- namin, sa Ngalan ng Ama, ng Anak at ng –I- Espiritu Santo. Amen Jesus
Ang Pagsisisi
Panginoon kong Jesucristo, Dios na totoo at tao namaug totoo, gumawa at sumakop sa akin; pinagsisisihan kong masakit sa tanang loob ko, ang dilang pagkakasala ko sa iyo at ikaw nga ang Dios ko,Panginoon ko’t Ama ko, iniibig kong lalo sa lahat; magtitika akongMatibay na matibay na din a muli-muling magkakasala sa iyo, at lalayuanko na’t pangingilagan ang baling makababakla ng loob ko saMasama at makalilibat ng dating sakit ng kaluluwa ko,At nagtitika naming akong magkumpisal ng dilang kasalanan ko,Umaasa akong patatawarin mo rin alang-alan sa mahal naPasion at pagkamatay mo sa Cruz dahilan sa akin. Siya nawa.10
Pansinin din ang isa sa mga aklat na halaw sa banal na kasulatan at Apokrypa
sa mga naisalin, ang Barlaan at Josaphat, isinulat ito ni Antonio de Borja na isinalin sa
uicang Tagalog. Ito’y isang aral na tunay na totoong pagaacay sa tauo, nang manga
cabanalang gaua nang manga maloualhating santos na si Barlaan ni Josaphat na
8 Lilia F. Antonio, Apat na Siglo ng Pagsasalin, ( Lungsod ng Quezon: Sistemang Unibersidad ng Pilipinas, 1999), ph. 1.
9 Ang alfabetong Filipino ay matatagpuan sa Lengua Española na naglalaman ng 29 na titik. Ito ay maihahambing sa abecedario na nakagisnan din ng mga Pilipino,ph. 1.
10 Fr. Luis De Amezquita, Catecsimo na Pinagpalamnan ng mga Pangadyi at Maikling Kasaysayan na Dapat Pag-aralan nang taong Cristiano. (Maynila,1947), ph. 3.
ipinalaman sa sulat ni San Juan Damaceno11. Ito ay isang akdang pangrelihiyon na
kababakasan ng pagtuturo at pag-aaral hinggil sa relihiyong katoliko na naging
napakalakas na sandata sa pagtuturo ng relihiyong katoliko.
Ginamit din ang wika sa pagpapalaganap ukol sa pagpapabago ng pag-uugali sa
pamamagitan ng pagsasalin ng mga aklat sa moralidad at sa wastong pagkilos. Narito
ang ibang mga aklat na nagpapatunay na pinasusunod tayo ng kastila ayon sa
kaparaan nila: Ang pagtulad cay Cristo na hinango sa uicang Latin ng akda ni Thomas
a Kempis at tinagalog ng isang sacerdote, akda ni Francisco Blancas de San Jose,O.P.
(1560-1614) na pinamagatang Librong pinagpapalamnan yto nang aasalin nang tauong
Christiano sa pagconfesar at sa pagcocomulgar, Caugaliang pagsasalita nang
marangal sa pagcaquita sa mahal na larawan nang bantog na Virgen de Buensuceso
na isinalin ni Martinez de Zuniga na quinatha sa uicang Castila ng Padre Fray S.
Martinez de Zuniga.12 Ang mga akdang ito ay ilan lamang sa mga halimbawa nang
pagtuturo sa mga Pilipino ukol sa kanilang aasalin na patungkol sa pagiging isang
kristiyano.
Ang pagsasaling-wika sa Pilipinas ay masasabing nagsimulang magkaanyo
noong panahong ng Kastila, kaugnay na pagpapalaganap ng Kristiyanismo. Waring
dala ng mga misyonerong Espanyol ang sigla ng pagsasalin sa Europa nang dumating
sila sa Filipinas13. Kinailangan ng mga panahong iyon na isalin sa Tagalog at iba pang
katutubong wika sa kapuluan ang mga katesismo, mga akdang panrelihiyon, mga dasal
o dalit at iba pang akdang pangwika, sa ikadadali ng pagpapalaganap ng Iglesia
Catolica Romana.
11 Ibid., ph.3.
12 Ibid., ph.10-11.
13 Virgilio S. Almario,et.al. Patnubay sa Pagsasalin. ( Pasig City, 1996), ph.3.
Ang pagsasalingwika ay isang napakabigat na tungkulin ng taong tagapagsalin.
Kung bibigyan natin ng kahulugan ang pagsasalin, ito ay ang paglilipat sa
pinagsasalinang wika ng pinakamalapit na katumbas na diwa at estilong nasa wikang
isinalin.14 Ang mga pagsasaling naganap ay nakabatay sa taong nagsalin. Isa rin sa
binibigyang pansin ay ang kultura ng taong kinabibilangan sa pagsasalin.
Ang alinmang wika ay nakabuhol sa kultura ng mga taong likas na gumagamit nito. . 15
Sa panahong yaon ay mapapansin natin na ang namayani sa kultura na may
kaugnayan sa pagsasalin at ang mga paraan ng pagsasalin kabilang na ang paksa ng
pagsasalin ay nakapatungkol sa relihiyon o sa panahon kung saan ang mga Pilipino ay
kanilang hinihimok na maging isang kristiyano o makiisa sa kanilang layunin sa
pagpapalaganap ng katolisismo.
Ang mga nagsipagsalin ay may kani-kaniyang pananaw sa buhay at may sariling
pagkakaunawa sa pulitikal na aspeto o estado ng pamumuhay ng panahong yaon na
siyang nag-uugnay sa kultural na aspeto ng tagasalin. Nararapat lamang tingnan ang
pagsasalin naganap ang siyang namagitan sa ugnayan ng kastila at Pilipino.
Nakikisangkot habang nagsasalin ang mga kastila sa pamamagitan ng kanilang
pagsasalin. Pumapasok sa ganitong larangan ang kanilang banyagang kultura at hindi
lamang ang pagiging banyaga nila kundi ang pakiramdam ng kanilang pagiging
imperiyor o pagiging mataas sa lahing Pilipino. Ang pagtingin nilang pakanluranin ay
isa sa isinaalang-alang sa pagsasalin at ang tingin nilang paatras ang mga Pilipino ay
mababakas din. Sino ba ang nagsasalin? Hindi ba’t mga kastila, kung kaya’t
nagbabago ang kahulugan sapagkat ang nagbibigay ng pakahulugan ay mga kastila.
14 Ayon kay Savory na matatagpuan sa www.team.zobel.dlsu.edu.ph/tl.wikipedia.org. petsa ng paghango Hulyo 8, 2009.
15 Ibid., ph.4.
Isa sa mga sinasabi ng kastila ay ang pagiging objektibo nila katulad ng paggawa nila
sa Diccionario o sa leksikon ng Pilipino.
Sa obserbasyon ng ilang mga Pilipino ay pumapasok ang kanilang pagiging
superior sa ating kultura. Ang pagsasalin kung gayon ay nakasalalay pa rin sa kanilang
pananaw o pagtingin at kung ano ang ibig nilang ipakahulugan sa mga bagay-bagay na
ibig nilang ipaunawa o ipaintindi sa atin. Mababakas sa panahong yaon na lahat ng
mga isinalin ay patungkol sa pagpapaamo at pagsusuyo sa mga Pilipino upang ang
ating kahinaan ay mapukaw at tuluyan na nga tayong pumasok at tangkilikin ang
kulturang makadayuhan na siyang sumakop sa atin ng mahabang panahon.
Ang pagsasalin kung gayon ay kasasalaminan ng pananaw, pulitikal at kultural
ng taong tagapagsalin.
E. Refleksyon
May ilang mga katanungang naglaro sa aking isipan sa aking pagsipat sa mga
isinalin. Una, ano ang motibo ng pagsasalin ng bawat teksto o ng mga akda? Totoo
bang layunin nilang ipabatid o ipaunawa lamang ang nilalaman ng teksto, o ito ay isang
pagpapakita ng motibo na kabahagi pa rin ng pananakop ang pangyayaring iyon?
Ikalawa, may mga hakbangin bang sinunod sa pagsasalin. Sapagkat kung iyong
mapapansin ang mga pagsasalin ay may iba-ibang ang pagbabaybay na ginamit.
Ikatlo, ang mga kastilan lamang ba ang siyang may karapatang magsalin o ang may
katangi-tanging interes na magsalin ng mga panahong yaon? Ikalima, noong naisalin
na ang mga akdang may pamaksang pananampalataya, saang parte nagkaroon ng
kamalayan ang mga Pilipino? Sa pagiging Pilipino ba o sa pagiging pagkamakastila at
sa pang-ayon sa pananampalatayang kristiyanismo?
Ang mga linya at sa ilang akdang pampanitikan na nakasentro sa kristiyanismo
na siyang nagtutulak sa mga Pilipino sa relihiyong pilit na idinuldol sa kanila na ang
naging resulta ay ang paniniwalang hanggang ngayon ay dala-dala pa natin sa
kasalukuyan, dahil ako ay isang kristiyano rin. Naisip ko na lubhang napakalakas na
sandata ng wika sa lahat ng bagay. Isama pa natin na ginamit ang wika sa politika o
politika sa wika na mababasa sa The Historical Development of the Philippine National
Language siyang ipinamalas ng mga espanyol sa kanilang mga isinalin at isinulat.
Napansin ko rin ang pilit na pagpapaintindi sa mga Pilipino ng mga pananampalatayang
siyang pinagmulan ng ating relihiyon. Mabuti na lamang sa bandang huli ay nagising
ang damdaming natutulog at umusbong ang panitikang panrebolusyon. Sa isang
banda, nagkaroon man ng rebolusyon ay naging makapangyarihan pa rin para sa akin
ang ginawang pagsasalin ng mga tagapagsalin (kastila) ng ilang mga akda sapagkat
hanggang ngayon ay nagagamit at ginagamit ang kanilang mga akdang isinalin sa
ikauunawa at ikauunlad din ng kaalaman ng mga iskolar sa mga naganap noong
nakalipas na panahon.
Sa mga titik o ilang ispeling gaya ng mga salitang Dios, Santa Iglesia Catolica,
Bautismo, Confirmacion, Confecion, manga, tauo, macalipad, masilacbo, hamac,
ualang catapusan, caanacan niya, uicang castila at iba pang mga salita na pawang mga
hango sa alfabeto nang panahong yaon bagamat hindi naging mali ang pagbabaybay
hindi ito naging karaniwan sapagkat ito ay kakaibang ispeling para sa akin dahil hindi ito
ang aking nakagisnan, isa pa ay talagang nahirapan ako sa pagbabasa. Ang isa pang
nakapukaw sa aking isipan ay kung mayroon bang mga panuntunan sa pagsasalin ng
mga panahong yaon at kung mayroon man ay bakit di konsistent ang paggamit ng mga
titik at salitang mga isinalin? Iba ang ispeling sa ibang akda at kapag ikaw ay nagbasa,
iba-iba rin ang pagsasalin o ispeling na isinagawa sa ibang naisalin. Kung kaya’t
nagkakaroon ng kalituhan ang nagbabasa. Isa pa sa aking napansin ang paggamit nila
ng mga bantas. Tulad ng “kahapishapis” na hindi ko alam kung ito ay pagkakamaling
tipograpiko lamang o sadyang di sila gumagamit ng bantas noong unang panahon. Ang
ilang mga salita naman gaya ng: viernes, Eucaristia, teogales, potencias, virtudes,
virgen, santos, apostoles, veniales, ito ba ay isinalin na o original pang salita mula sa
wikang isinalin o dahil nga rin sa alfabeto nilang ginagamit ng panahong yaon.
Nagkaroon din ako ng pakikipanayam sa ilang mga propesor sa pamantasan ng
Santo tomas na nagtuturo ng espanyol tungkol sa ilang pagbabaybay at pagsasalin sa
ilang mga aklat noong panahon ng kastila. Ayon kay propesor Rodriguez, ang ilang
nakapag-aral sa kastila ay nagsalin ng literal ng mga sallitang espanyol na ginawang
Filipino subalit hindi naman ito naging kapareho ng tunay na kahulugan sa wikang
espanyol16. Tulad halimbawa ng sa salitang casaysayan na ginawang salin sa Filipino,
na historia ang tunay na katumbas sa salitang Kastila. Maraming mga inkonsistent o di
konsistent na pagsasalin ang naganap noong panahon ng kastila na kung iyong
mapapansin ay hindi ginawang pulido ang pagsasalin.
Kung mapapansin natin ang ilang salita tulad ng infierno, devocionario, colegio,
caloloa, tagobilin, maysaquit, pagsalacay at iba pang mga salita na isinalin sa Filipino
ay kung totoong katumbas sa Filipino. Ang isang kapansin-pansin sa panahong yaon
ay walang tagasuri o sensura na siya sanang nagtulak ng istandardisasyon sa
pagsasalin.
Kung mapapansin natin ang mga pagsasalin ay ibinatay sa bokabularyong
Filipino noong panahon ng Kastila at kung ikukumpara sa modernisadong panahon ay
napakalaki ng kaibhan sapagkat ang pagsasalin ay naging akma sa panahong iyon.
Isa rin sa aking napansin at napag-aralan batay sa aking pananaliksik, kung
inyong babalikan ang naunang pahina ng pagsisipat na ito (ph. 11-16) Ang salitang
nominativo, Genitivo, Davitibo, Acusativo, Ablativo ay mga salitang Latin na ipinadron
sa wikang Kastila. Ayon sa isang propesor na nagtuturo ng Latin sa Pamantasan ng
Santo Tomas, ang nominativo ay nominative o ang paksang pinag-uusapan na ang
katumbas sa wikang kastila ay nosotros na tinumbasan naman sa ating wikang Tagalog
na tayo na tinatawag nating panghalip na pangmaramihan. Ang genetivo naman ay 16 Isang propesor sa Universidad ng Santo Tomas na nagtuturo ng wikang Espanyol na nag-aral sa Espanya.
kasong posesyon na isinalin sa tagalog na sa atin, natin na ang ibig sabihin sa wikang
kastila ay de nosotros. Sa dativo naman ay ‘ indirect object’ sa wikang latin na may
katumbas na para nosotros sa wikang kastila na timumbasan sa tagalog ng sa atin.
Ang salitang sa atin sa tagalog ay itinumbas din sa Acusativo na ‘direct object’ ang
katumbas sa latin na sa kastila naman ay contra nosotro kasama ang Ablativo na sa
atin rin ang itinumbas sa tagalog na nangangahulugan ‘ instrument manner o
preposisyon o pang- ukol na ang ibig sabihin ay de, en, por, sin nosotros. Kung ating
lilimiin ay maraming di consistent sa pagsasalin sa ganitong sitwasyon dahilan sa iisa
lamang ang ibinigay na kahulugan kahit saan mang angulo ito isinalin upang
magkaroon tayo nang tatawagin nating wika natin.
Tunay nga na ang pagsasalin ay di bibirong gawin sapagkat bukod sa kaalaman
sa wikang iyong isasalin na kailangan mong taglayin ay kinakailangan mo ring
isaisantabi ang iyong kultura upang hind imaging bias o magkaroon ng pagkiling sa
wikang pinagsasalinan. Kinakailangan mo ring maging mahusay at matiyaga sa iyong
pagsasalin. Gayundin ang pagtuklas sa mga bagay-bagay ay iyong makikita at
sasalamin sa iyo ang ilang mga pagkakamaling dapat mong baguhin at kinakailangan
mo ring ihanda ang iyong sarili sa mga pagbabagong maaaring maganap na may
posibilidad na pagtunguhan ang ang pagkalito at ang tanong na “ Handa ba tayo sa
pagbabago?”. Kung kaya’t ako’y lubos na humahanga sa aming guro ( Propesor Lilia
Antonio) sa pagsasama-sama at paggawa ng isang Bibliografi ng pagsasalin mula sa
apat na siglo nito na matamang pinanday ng panahon at ng karanasan sa paggugugol
sa kanyang buhay sa pagpapakadalubhasa sa pagsasalin na siyang nakatulong ng
malaki sa pagbibigay kabatiran at pagmumulat ng kaisipan alang-alang sa nakalipas.
Bibliograpiya
Mga Aklat
Almario, Virgilio. Barlaan at Josaphat (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2003).
Almario, Virgilio, et.al. Patnubay sa Pagsasalin (Manila: Anvil Publishing, 2003).
Antonio, Lilia Francisco. Apat na Siglo ng Pagsasalin (Quezon City: Sistemang Unibersidad ng Pilipinas, 1999).
Aparicio, Fr. Angel, OP. Catalogue of Rare Books, Vol.3 Part 1. Filipiniana (1610-1945) (Manila: Bookman Printing House, 2005).
Buensuceso-Suarez, Teresita. Panitikang Filipino (Manila: UST Publishing House, 1997).
De Amezquita, Fr. Luis. Catecismo na Pinagpalamnan ng mga Pangadyi at Maikling Kasaysayan na dapat Pag-aralan nang Taong Cristiano(Manila: P. Sayo Book Store, 1947).
Doctrina Christiana. The First Book Printed in the Philippines, Manila. Doctrina Christiana en Lengua eipanola y tagala. Coz regida por los Religiosos de las ordenes Imprella conticencia en s. Gabriel dela ordende. S. Domingo en Manila, 1593.
Frei, Ernest. The Historical Development of the Philippine National Language (Manila: Manila Bureau Printing, 1959)
Garcia, F., et.al. Lengua Espanola (Manila: UST Printing Office, 1977)
Lumbera, Bienvenido, et.al. Philippine Literature (Pasig: Anvil, 1997).
Olaya, Ofelia B., et.al. DANGAL: Isang Pagsusuri sa Pag-unlad ng Panitikan sa Pilipinas (Manila: Departmento ng Filipino, 2001).
Rosario-Pineda, G.K. del Rosario, et.al. Panitikang Pilipino (Manila: Manlapaz Publishing, Co., 1972).
____The Task of the Translator. An Introduction to the translation of Baudelaire’s Tableaux Parisiens
Tumangan, Alcomitser, Jr., et.al. Panitikan ng Pilipinas (Makati: Grandwater Publications, 1998).
Vocabulario de la Lengua Tagala Primera y Segunda Parte En la Imprenta Nueva de D. Jose Maria Dayot por Tomas Oliva ano de 1835.
Mga siping pang-elektroniko
www.seasite.niu.edu. The Literary Forms in Philippine Literature petsa ng pagkahango Hulyo 6, 2009
www.team.zobel.dlsu.edu.ph Pagsasaling-Wika petsa ng pagkahango Hulyo 8, 2009.
www.rioalma.com Muling-Tula Bilang Hamon sa Pagsasalin ng Tula petsa ng pagkahango Hulyo 6, 2009.
www.varsitarian.net Natatagong Yaman, Tomo LXXXI petsa ng pagkahango Hulyo 6, 2009.