palabas at paloob: tambalang mukha ng pagtula

23
PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA VIRGILIO S. ALMARIO Philippine Humanities Review Volume 16 Number 1, 2014, pp. 69-91 ISSN-0031-7802 ©2014 University of the Philippines

Upload: others

Post on 20-Oct-2021

9 views

Category:

Documents


0 download

TRANSCRIPT

Page 1: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

PHILIPPINE HUMANITIES REVIEW 69

PALABAS AT PALOOB:TAMBALANG MUKHA NG PAGTULAVIRGILIO S. ALMARIO

Philippine Humanities ReviewVolume 16 Number 1, 2014, pp. 69-91ISSN-0031-7802©2014 University of the Philippines

Page 2: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

ALMARIO7 0

National Artist for Literature Virgilio S. Almarioexplains the literary concepts “palabas” and “paloob”first introduced in the 1980s as distinct characteristicsof two leading poetic tradit ions in the country:Balagtasism and Modernism. Almario cites severalexamples across generations of poets and poetry inorder to clarify the intertwined relation between thetwo.

Keywords: palabas, paloob, literary traditions, Balagtasism,Modernism

PALABAS AT PALOOB:TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA[PALABAS AND PALOOB:THE COMPOUND VISAGE OF POETRY]

VIRGILIO S. ALMARIOUniversity of the Philippines<[email protected]>

IBIG KONG BALIKAN ngayon ang isinagawâ kongpag-uuri sa paraan ng pagtula noong 1984 sa aklat naBalagtasismo Versus Modernismo . Upang ipal iwanag angkaibhan ng Modernismo sa Balagtasismo ay sinabi kongisa itong pagtulang “paloob” samantalang ang Balagtasismoay pinangingibabawan ng pagtulang “palabas.” Una kongnabanggit ang dalawa sa isang bahagi ng aking pag-aaral at

Page 3: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

PHILIPPINE HUMANITIES REVIEW 71

hábang ip ina l i l iwanag ang rebe ldeng d i reks iyon ngModernista sa ganitong paraan:

(M)as iniintindi ng mga Modernista ang iba’tibang panuka lang pagbago sa pag tu l angBalagtasista. Bumalikwas sila mulang tugma’tsukat sa pamamagitan ng malayang taludturan.T ina l ikuran n i l a ang paraang pab igkas sapamamagitan ng higit na pag-unawa sa bagongkahingian ng limbag na tula. Ang resulta nito’yisang tulang paloob na dahil na rin sa naiibanginteres at pribadong layunin ay nagdulot ng iba’tibang antas ng “kalabuan” para sa madlangnamihasa sa lumang paksain at kasangkapangpanretorika ng tulang palabas.

Sa larangang pangwika, pinangatawanan ngModer n i smo ang pag g ami t ng “kont ra -matulaing” lengguwahe sa akda. Hindi lamangito nangahulugan ng pagkikiisa ng bokabularyongIngles, lalo na nitong mauso ang Taglish, kunding pakik iramdam sa nagbabagong wika ngpanahon. Ang kumbersasyonal na himig, nasiyang naging pansagot sa t i la laging pang-entablado o pampulpi tong tono ng tu langBalagtasista, ay naging dahilan sa makatunayangdiyalogo at pagpasok ng kolokyalismo’t salitângbalbal na hang gang ngayo’y i t inutur ing na“masakít sa tainga” ng mga Balagtasista. (p. 15)

Sa pahayag kong ito’y higit na nakaukol ang akingpansin sa pagtulang paloob. Makil ing din ang akingpa l iwanag sa pag l inaw ng kabaguhang du lo t ngModernismo bílang pagtulang paloob. Bunga nito’y hindisinasadyang naituturing na luma’t nakaiwanan na ngpanahon ang pagtulang palabas ng mga Balagtasista dahil

Page 4: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

ALMARIO7 2

sa pagiging tradisyonal nito, gumagamit ng retorikangpabigkas at ng wikang “matulain”—sa pakahulugangnapakapor ma l a t may h imig na nag ta ta lumpat i onagsesermon (pang-entablado o pampulpito). Hindi rinsinasadyang naipahihiwatig dito na may masidhing saloobinang palabas na magpaunawa sa madla samantalang hindigaanong interesado ang pa loob na maint indihan ngmambabasá. Mababaw ang pag-uuri ko. Hindi ako nagingmasigasig umigpaw mula sa nakamihasnang pakahuluganng “palabas” at sa karaniwang gamit ng “paloob.”

Noong 1992 , nagkaroon ako ng pagkaka taongipaliwanag muli ang pagtulang palabas sa aking aklat naKung Sino ang Kumatha kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera,Aqu ino d e Be l en , Ba lag ta s, a tbp . Sa pagta lakay ko ngnang ibabaw na t in ig ng panawagan sa panahon ngkolonyalismong Espanyol ay ganito ang sinabi ko:

May malaki’t natatanging pilas sa kasaysayanng pagtu la sa F i l ip inas ang panawagan oapos t rope . Una , i to ang lumi l i t aw napinakapopular na anyo ng matulaing pahayag,pab igkas man o l imbag , hang g ang n i tongmakaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.Ikalawa, naging pangunahing tatak ito ng tulangpalabas—ang uri ng tula na may malakas nasimbuyong magpaunawa at makipag-ugnay samadla. Ikatlo, at dagdag kong panukala, bulaklakito ng kaligirang feudal at kolonyal magmula sapanahon ng pananakop ng mga Espanyol. (p. 87)

Sa sanaysay din tungkol sa panawagan ay muli konginungkat ang katangian naman ng pagtulang paloob saganitong paraan:

Dito natin dapat idako ang sipat sa tinig ngtulang paloob—na may katangiang labis na

Page 5: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

PHILIPPINE HUMANITIES REVIEW 73

mapag pahiwatig at bumibimbin sa layuningmagpaunawa sa madla. Sa kasalukuyang gamitnito ng mga makatang Modernista, may tinigitong masyadong maláy-sa-sarili kayâ’t matimpisa salitâ at matipid mangusap—mga katangiangnagpapahulaw sa dáting tahas at mataginting natinig ng tula. Gumamit man ng panawagan,napipigil ng siste’t pag-uusisa ang tinig túngo sapagpapamalas ng tinatawag ng mga New Criticsna “disiplina sa damdamin” at “sopistikasyon.”Natatákot itong manlahat, kayâ mapaglinaw salayon ng pahayag (ang sinasabing “patungkol saisang tiyak na kausap”), at malimit makipag-usapsa sarili. (p. 102)

May mga bagay akong nais l inawin, baguhin, atidagdag sa pagbabalik kong ito sa pagkakaiba sa isa’t isang pagtulang palabas at pagtulang paloob.

Una, nais kong linawin ang hindi ko natukoy noonghaka na ang pagtulang palabas at ang pagtulang paloob aydalawa’t kambal na malikhaing tunguhin sa pagbuo ng tula.Ikalawa, at mahigpit na kaugnay ng una, magkasabay itongsumupling at nilinang sa katutubo’t sinaunang panulaan ngFilipinas. Sa gayon, at ikatlo, hindi wastong ituring natradisyonal ang i sa—ang pa labas ; a t makabago angikalawa—ang paloob. Lumitaw na gayon ang aking paraanng pagtingin sa dalawa bunga ng naganap na diin sapagtulang palabas sa panahon ng kolonyalismong Espanyol,na ipinagpatuloy ng mga Balagtasista sa unang bahagi ngika-20 dantaon, at nasalungat lámang sa higit na pagsandigsa pagtulang paloob ng mga Modernista. Naging biktimaako ng aking nili l inaw na pagtingin sa kasaysayan ngpambansang pampanitikan. Kaugnay ng mga paglilinaw naito, nais kong ipanukala ngayon ang magkaagapay napagsasaalang-alang sa mga katangian ng dalawa hábang

Page 6: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

ALMARIO7 4

sinusundan ang development ng mga ito sa kasaysayan ngpanitikan ng Filipinas.

Dalawang Binhing Butil ng Tula

Pinakaangkop na simula ng ganitong pagsipat angdalawang binhing butil ng tula. Ang salawikain at angbugtong. Paglingon sa katutubo’t sinaunang panahon, angbugtong at ang salawikain ang pinakamaikling anyo ngpatulang pahayag dahil naisasakatuparan ang layunin sadalawang taludtod na may tugma’t sukat. Nása puso rin ngbugtong at salawikain ang kambal na adhika ng pagtulangpaloob at pagtulang palabas.

Paloob ang bugtong at palabas ang salawikain.

Ngayon, dapat mahiwatigan na ang pagkakaiba ayhindi dahil mas madalî o mas mahirap maintindihan ang isakaysa ikalawa. May bugtong na mahirap malurok, gaya rinnaman ng pangyayaring may salawikaing hindi kaagadmatatarok ang iniaaral. Sa kabilâng dako, may bugtong namagaang sagutin, gaya rin naman ng pangyayaring maysalawikaing nauunawaan kahit ng isang musmos.

Bakit palabas ang salawikain at bakit paloob angbugtong? Nása sining na ginagamit sa pagbuo ng salawikainna ibang-iba sa sining ng pagbuo sa bugtong. Sa maiklingsalitâ, gumagamit ang bugtong ng sining sa paglikha nghiwaga mula sa alam na ng lahat; gumagamit ang salawikainng sining sa paglagom ng isang katotohanan mula sa mganalikom at sari-saring karanasang pambalana. Ginigising ngbugtong ang taká’t gilalas; inuudyukan ng salawikain anglimi’t muni. Sa dulo at al insunod sa tungkuling bisà,kailangang iisa ang sagot sa bugtong upang maging katangi-tangi; kailangang marami’t di-mabílang ang aplikasyon sabúhay ng salawikain upang maging kapani-paniwala.

Page 7: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

PHILIPPINE HUMANITIES REVIEW 75

Bilang hal imbawa, nar i to ang isang matandangbugtong tungkol sa ating dila:

Isda ko sa Kilaw-KilawHindi mahuli’t may pataw.

Narito naman ang isang salawikain tungkol sa halagang paggawa:

Ang lambat na nása bangkaDi manghuhuli ng isda.

Paloob ang bugtong dahi l sa pang yayaring maysaloobin itong magtuon ng pansin sa isang partikular napaksa, ang dila sa ating halimbawa, hanggang mapagtuunanpa ang isang kakaibang katangian nito, ang katangian ngdila na gagalaw-galaw sa loob at paligid ng bibig at waringnakikipaglaro sa humuhúling mga ngipin sa bawat pagbuká-pagtikom ng mga labì. Samantala, palabas ang salawikainsapagka t may tungku l in naman i tong humanap a tmagsaliksik ng tumpak na karanasan upang mabigkas angpaksa , ang ha lag a ng pag gawâ sa a t ing ha l imbawa,hanggang mapagwari na tulad ng lambat na hindi inihahagissa dagat ay nasasáyang ang talino’t lakas ng tao kapag hindiginamit para sa isang nararapat na gawain. Ang birtud ngsalawikaing i to ay masusubok kapag ginamit din sapagluluto, paglalabá, pagmamaneho, pagsasáka, pagkeklerk,pagmamanedyer, atbpang trabaho bukod sa pangingisda.

Pagkatapos pumilì ng paksa, magkatulad ang kasunodna hakbang ng pagtulang paloob at palabas. Ito ang pag-iisip ng talinghaga, na nangangahulugan ng paghahanapng karampatang mapagbuong simulain ukol sa ibig sabihin,at malimit na kasangkot nito ang paghahanap ng hambinganat angkop na tayutay upang maipahiwatig ang ibig sabihin.Dito nagaganap ang tinatawag na kislap-diwa (insight), ang

Page 8: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

ALMARIO7 6

pagpapahayag ng isang natuklasang bago o kakaiba. Sahalimbawang bugtong natin, ito ang paggamit sa katangianng isda na kikislot-kislot at kikiwal-kiwal, na ipinahiwatigsa pagbanggit sa kathang bayan ng Kilaw-Kilaw, at angpagdudulot ng balintuna kung bakit ang isdang ito ay maytali’t pabigat (“may pataw”) ngunit hindi mabihag. Gayundinang nagaganap sa kislap-diwang mula sa karanasan ngpangingisda sa ating salawikain—walang silbi ang kahitnapakatibay at napakalapad na lambat kung hindi itogagamitin ng mangingisda na marahil ay natutulog lámangsa kaniyang bangka sa laot. Nagiging halimbawa natin angeksenang itinanghal ng salawikain bílang patnubay hindilámang sa pangingisda kundi maging sa marami’t iba pangmisyon at trabaho sa ating búhay. Masikap kapuwa angbugtong at ang salawikain sa pagkasangkapan ng talinghagaupang mapat ingkad ang isang kakaiba o kakatwa sabugtong at upang maipatanggap sa kaso ng salawikain angisang hálagáhan na tatanggapin o paniniwalaan ng lahat satarget na madla.

Ang kapapaliwanag na proseso ng pagtula ay maaaringilarawan pa sa ganitong paraan:

Paksa (tao, bagay, kaligiran)+

Talinghaga (paraan ng pahayag, hambingan,tayutay)

= Ang ibig sabihin

Upang maging malinaw pa, dagdagan natin ang mgahalimbawang maikling anyo ng pagtula. Narito ang isangdiyona na tíla salawikain:

Para ng isdang kapakNa ang labas ay pilakAt ang loob ay burak.

Page 9: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

PHILIPPINE HUMANITIES REVIEW 77

Isang tahas na paghahambing ito ng tao sa isda. Maytao diumano na tíla kapak (maliit na banak) na napakagandakung tingnan ngunit napakapangit ang kalooban. Kahanga-hanga ang tugmang pantigan ng diyona gayundin angtumbasang labas/loob na tinapatan ng balighong salungatanng pilak/burak. Sa kabilâ ng tahasang paghahambing,mahihiwatigan pa rin na hindi tahasang t inukoy angpinupunang masamâng ugali ng tao. Kung bagá sa isdalámang. At tulad ng ibang salawikain, maraming pangit naugali ng tao na maipapares sa kapak: mayabang, sinungaling,mapag pang g ap, ipokr i t a , ambisyoso, a r t ip i sya l ,materyalistiko, mahilig sa pampaganda, atbp. Gayunman,pormal pa rin ang tinig nitong nangangaral. Hindi tulad ngmasayáng himig ng sumusunod na dalit:

Isda akong gagasapsapGagataliptip kalapadKayâ nakikipagpusagAng kalaguyo’y apahap.

Mapamuná rin ang dalit na ito. Ngunit bukod sagumagamit ng hambingang kung bagá sa sapsap at apahapay tigib ito sa layuning mapagpatawa. Idinaan ang puna saparinig. Pinaringgan ang social climber ng nagsasalitâ ngunitsa paraang masiste, ang sarili ang inihahambing sa apahapna nakikiyabang sa píling ng mas malalaki’t mámahálingapahap. Ang ganitong diwang masayahin, lalo na satulong ng balintuna’t parikala, ang malimit ding disiplinasa panana l inghaga upang masawata ang lubhangdidaktikong pahayag lalo na sa salawikain.

Sa kabilâng dako, isang huwarang pagkakataon angpagsasanib ng bugtong at salawikain sa isang matulaingpahayag. Halimbawa, sa sumusunod na sinaunang tanaga:

Nang walang biring gintoDoon nagpapalalo;

Page 10: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

ALMARIO7 8

Nang magkaginto-gintoNoon na nga sumuko,

Sa isang bandá, isang bugtong ito hinggil sa palay, natuwid na tuwid (“nagpapalalo”) kapag tumutubò pa lámangngunit yumuyuko at humahapay (“sumuko”) kapag mabigatna ang hinog na mga butil sa uhay. Subalit isa rin itongsalawikain. Nangangaral ito hinggil sa tunay na karunungan.Ang kabataan ay malimit na mapusok at mapagmalaki ngmunting karunungan; ang matanda’t totoong hinog sakaranasan ay natututo ring magpakumbabâ. Anupa’t angpaloob at palabas ay mistulang tambalang mukha ngtungku l ing edukasyona l ng pagtu la . Ginagami t angtalinghaga upang magpalaganap ng karunungang-bayan.Binibigyan táyo ng bagong pagtingin sa mundo. O kayâginaganyak táyong makinabang sa nakaraan (sa kasaysayan).

Oryentasyong Kolonyal

Sa kasawiang pa lad , s in ik i l ng ko lonya l i smongEspanyol ang ganitong katutubong lunggati ng pagtula.Sapagkat tahasang ginamit ng mga misyonero ang panitikanpara sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo, halos pinatay ngkolonyalismo sa loob ng 300 taon ang matulaing paglikhang bago at pagtuklas ng kakaiba. Muling-hinubog namanang maaar ing kasangkapan in upang mag l ingkod sapananakop. Sa ganito maipaliliwanag ang paglalaho ngmaraming awiting-bayan na posibleng naglalamán ng mgaanyo’t paksaing awtentikong Filipino ngunit “malaswa’tbarbariko” o “dulot ng diyablo” sang-ayon sa tingin ngmga fraile. Naparam ang ngiti sa limbag na panitikan;nalimot ng bayan dahil hindi ginagamit ang salitâ nilang“parikala” para sa ironiya. Samantala, ang napakapopularna dalit ay nilagyan ng mensaheng relihiyoso at sa dulo’ynaging anyo ng mga awit pansimbahan. Ang mga bugtong,

Page 11: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

PHILIPPINE HUMANITIES REVIEW 79

alamat, at pabula ay naging katuwang ng mga biblikongparabula sa paghahasik ng pag gálang sa nakatataas,pagsunod sa batas at la lo na sa utos ng Simbahan,ospitalidad, kawanggawâ, pagpapakumbabâ at pagtitiis,at iba pang hálagáhang magpapanatili sa feudal at kolonyalna kaayusan.

Ito rin ang paliwanag kung paanong ang simulaingpalabas sa salawikain ay nakagiliwang muling-hubugin ngmga misyonero para pagsidlan ng kanilang mga dasal,sermon, at meditasyong Kristiyano. Sa panahong itogumitaw bílang pinakaangkop na anyo ng pahayag angpanawagan o apostrope. At nagkaroon ito ng tinig namay dalawang direksiyon. Ang tinig ng patalastas mulasa isang nakatataas at bukal na kapangyarihan at karununganna nagtuturo sa target na nása ibabâ. Ang t in ig ngpanambitan na mula sa i s ang mababà , hamak , a tmangmang na humihingi ng tangkilik at awa sa target nanása itaas. Pangunahing halimbawa ng tinig ng patalastasang panawagan sa dasal. Pangunahing ehemplo naman ngtinig ng panambitan ang panawagan sa harana . Kungminsan at isang mahabâ-habâng panawagang gaya ng loa,may bahaging nása tinig ng patalastas kapag ipinakilála samadla ang marangal na pinagmulan ng panauhin at maybahaging nása tinig ng panambitan kapag isinasamò namansa panauhin ang pagpapaumanhin sa anumang pagkukulangsa pagkain at ospitalidad ng kaniyang bayan.

Malinaw ang dalawang direksiyon ng tinig sa tulangintroduksiyon, halimbawa, ni Pelipe de Jesus sa salin ngBarlaan at Josaphat (1712) ni Fray Antonio de Borja. Saunang 17 saknong ay pinuri ni de Jesus ang “mapagmulat”at “dalubhasang” talino ni Fray de Borja. Panambitan pani de Jesus hinggil sa kadakilaan ng ginawâ ng padre:

At ang buo bagáng nasàhuwag magaril na lubha,

Page 12: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

ALMARIO8 0

tumuwid ang pagwiwika’tmawatasang alipala.Makilala’t matalastasmaging araw kaliwanag,nang para-parang mamulatmata ng babásang lahat.

Sa pagal niyang totoo’ywalang ibang tinutungokundi ang táyo’y matutoaral na di kuno-kuno.

Mahihiwatigan ang saloobing paloob sa panambitan,l a lo na sa saknong na n ina i s i t angha l ang i sang“mapagmulat” na kawangis ng liwanag ng araw. Ngunitpagkatapos ng gayong panambitan, ang ika-18 saknong ayumpisa naman ng pangangaral sa mga “christ ianongtagalog” na dapat sumunod sa aral ng aklat:

Aba Krist’yanong Tagalogna bagong pisa sa itlogtanggap nang magandang loobitong panagano’t handog.Di ka man bagong binyaganinakay ka rin kung turanang di ka pa ngani pahammagdili-dili’t mag nilay.

Ibong mumunti sa pugadsa inang inaalagad,ay dili makalilipadhanggang sa di magkapakpak.

Page 13: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

PHILIPPINE HUMANITIES REVIEW 81

Bagaman mahigit ka nangsandaang taóng binyaganang lagay mo’y kung pagmasdansisiw ka pang kalogohan.

Mabuway ka pang mistulabiray mo’y gigila-gila,tumuay ka ma’y di pa ngabihasa sa pamamangka.

Isa sa orihinal na talinghagang palabas na nalikha sapanahon ng kolonyalismo ang naturang limang saknong nide Jesus. Angkop na angkop ang paghahambing ng mgakapuwa Kristiyano’t Tagalog sa sisiw na hindi pa maaaringlumipad mag-isa at sa maliit na biray na nangangailanganng b ihasang bangkero upang i tan im ang ha laga ngpaghanap ng wastong patnubay kapag nása gayongsitwasyon.

Sa kasawiang palad, hindi kasinghusay ni de Jesus sapagtuklas ng talinghaga ang marami sa mga nalimbag namakata ng panawagan sa panahon ng kolonyalismo. Bukodsa naging lubhang sentimental at didaktiko, ang naging tinigng panawagan ay kulang sa orihinal na paglilimi. Waringalingawngaw ito ng nagaganap sa loob ng simbahan: angpanambitan sa orasyon at rosaryo ng mga nakaluhod nadeboto sa isang dako, at ang patalastas mula sa pulpito ngpadreng nagmimisa. Inuulit lámang nito ang mensahe ngpananampalataya at ang mga de-kahong simbolo nito. Atdahil sa kawalan ng awtentisidad ay kailangan ng ganitongpanawagan ang tinig na malakas upang paniwalaan omaging kapani-paniwala. Isang tinig din itong malakas dahilkulang sa hinahon at pagtitimpi, halos isinisigaw angdamdamin, na waring angkop naman noon sa panahongwalang mikropono ang sinumang nagsasalitâ sa plasa’tentablado. Nagkaroon man ng limbagan, taglay kahit ng

Page 14: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

ALMARIO8 2

limbag na pagtula noon ang saloobin ng pagtulang pabigkashanggang sa pagsiklab ng Himagsikang Filipino.

Sinalungat siyempre ng mga tulang Propagandista’tKatipunero ang diwang mapanakop ng pagtula. Ang totoo,mula sa mapanghimags ik na gawain n i Ba lagtas aymababanaag ang pagpapagitaw niya ng orihinal at masayángdiwa. Ngunit higit na bumagsik ang diwang mapang-uyamsa pagtula nina Plaridel at Bonifacio, lalo na’t kapag iginigiitnila ang katwiran at kalayaan laban sa mapambulag napakana ng pagtulang kolonyal is ta . Gayunman, kahi tnabaligtad ang kalatas ng nilalamán, patuloy na umiral angdidaktiko’t sentimental na pagtulang palabas at hindinagbago ang kalidad ng malakas na tinig ng panawagan.

Anak ng Himagsikang Filipino ang Balagtasismo sabungad ng ika-20 siglo. Ipinagpatuloy ng mga Balagtasistaang mataos na pagmamahal sa bayan at kalayaan ngunitipinagpatuloy din ang nakamihasnang himig ng pagtulangpalabas. Totoo, sa ilalim ng pagbabantay ng mga bagongmananakop ay napamulaklak ng mga Balagtasista ang mgabago’t makabuluhang diwain sa pagtula, gaya ng katarungan,pantay na mga karapatan ng mahirap at mayaman sa lipunan,pambansang pagkakaisa, demokrasya, edukasyon, sarilingsikap, at iba pang hálagáhan para sa isang nagsasarilinglipunan. Tumalim ding muli ang siste’t parikala kapagtinutuligsa ang korupsiyon, bisyo, isip-sungyaw, at iba pangkaaway ng pambansang kalayaan, katarungan, pagkakaisa,at kaunlaran. Ngunit hindi sapat kahit ang pagpapairal ngmasayáng diwa upang maigpawan ng pagtula ang uri ngmalakas na mga t in ig ng panawagang ip inamána ngpagtulang kolonyalista.

Page 15: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

PHILIPPINE HUMANITIES REVIEW 83

Ang Muling Pagtuklas sa Birtud ng Paloob

Hindi naman masamâ ang didaktiko o sentimental.Ngunit maaaring tumalam at nakasasawà ang paulit-ulit napanawagan sa kalayaan, katarungan, pag-asa, paglingap samga dukha. Makabuluhan man, lalo’t paulit-ulit din angparaan ng pahayag, ay nagiging masakít sa tainga. Tumindiang problema nang mamatay si Jose Corazon de Jesus,ang tugatog ng pagtulang Balagtasista, at nagpaligsahanlámang ang mga sumunod na pangkatin ng makata sapaggaya’t pag-uliran sa kaniya. Muling naging de-kahonang pagtula. May katwirang maakit sa ibang aliwan, angradyo’t pelikula, ang nabagot na madla.

Sa panahong ito, noong 1932, kinondena ni AlejandroG. Abadilla ang malubhang sakít ng pagtulang Balagtasistasa paratang na:

Sa loob ng panahong ito’y walang paksaang tula kundi pag-ibig, hapis at nakayukayokna kalungkutan, na tíla bagá ang daigdig ng mgamakata ay napipinto na sa isang di-maiiwasangpagkagunaw. Kung minsan naman, sa sandalingumiba ng paksa’y wala namang gagawin kundiang magsermon at magtalumpati, mga gawaingtiyak na di para sa kanila. (p. 11)

Ang pagkutya na kung h ind i “nakayukayok [ sa ]kalungkutan” ay nais “magsermon at magtalumpati” ngmga makatang Ba lagtas i s ta ang hudyat sa k i lusangModernista. Na wika ko nga sa unahan ay mistulang isangmuling-pagtuklas sa birtud ng pagtulang paloob.

Ngunit dapat kong idiin ngayon: Hindi laban sapagtulang palabas ang Modernismo. Nais lámang salungatinni Abadilla ang itinuturing niyang masamâng bisyo ng

Page 16: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

ALMARIO8 4

pagtula sa tinig ng panawagan—ang tinatawag niyangpagtula na “nakayukayok [sa] kalungkutan” at may hilig“magsermon at magtalumpati.” Ang uri ng panawaganglubhang sentimental at didaktiko na umiral sa panahon ngko lonya l i smong Espanyo l a t h ind i nasawata ngBalagtasismo. Nais din niyang tukuyin dito ang patuloy napaggamit ng mga Balagtasista sa tinig na malakas, namaaaring ituring na palatandaan ng pangyayaring bagamannakalimbag ang kanilang tula ay naiiralan pa rin ang mgaito ng kanilang nakamihasnang pagtulang pabigkas. Angtotoo, sa panahon ng mga Balagtasista at sa pamamagitanni Jose Corazon de Jesus ay narating ang tugatog ngpagtulang pabigkas, lalo na sa pamamagitan ng balagtasan,koronasyon , a t mga pa l a tuntunang pangmadla nanagtatampok sa mga mambibigkas.

Hindi rin pagtulang palabas lámang ang may himig na“nakayukayok [sa] kalungkutan” at may hilig “magsermonat magtalumpati.” Marami ding ganitong pagtulang paloob.Noon pang panahon ng kolonyalismo ay santambak namakata ang ulit-ulit na nanambitan hinggil sa bugtong ngkagandahang tíla napakalayong bituing marikit, perlas nanása pusod ng daga t , rosas na mada l îng ma lanta ,matampuhing ibon, at katulad. Alerdyik ang Modernismosa mga makatang utak gaya-gaya— kayâ namutiktik noon,anila, ang gasgas at de-kahong pahayag. Ang bukambibigng mga Modernista, kailangang tumuklas ng bago’t naiiba.Dahil dito, kailangan nila at napakahalaga ang kanilangpagtutuon sa pagtulang paloob. Kung higit na humilig angmga Balagtasista sa pagtulang palabas ay higit namangmakiling ang mga Modernista sa pagtulang paloob. Angpagbabago ng hilig na ito ang sanhi ng nangibabaw ngunitmababaw na impresyon na pagtulang palabas lámang angBalagtasismo at pagtulang paloob lámang ang Modernismo.

Page 17: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

PHILIPPINE HUMANITIES REVIEW 85

Sa yugtong ito lumabas ang problema na mahirapmaintindihan ang makabagong tula. Pinagtalunan pa saisang timpalak ang paggamit ng “pribadong pananagisag”at siya diumanong ugat ng “kalabuan” sa pagtula. Kungbabal ikan ang batayang pamamaraan sa pagl ikha ngbugtong ay hindi dapat ipagtaká ang pag-iral ng personalna pagtingin sa pagtulang paloob. Halos kahawig ito ngtinatawag sa Russian na ostranenie o despamilyarisasyon niVictor Schlovsky. Sa pamamagitan ng bagong pagtinginay nagiging banyaga o di-kilalá ang isang bagay na alam nglahat. Nais ng mga Modernistang magdulot ng bagongbugtong. Ang prob lema , a t i to ang rek lamo ngmambabasáng nasanay sa gasgas at de-kahon, lubhangnaging masigasig ang mga Modernista sa paglikha nglubhang pribadong bugtong at hindi iilan sa mga ito anghalos silá lámang at ang Diyos ang nakaiintindi.

Sa ganitong pananaw, nais kong ipanukala na taal sapagtulang paloob ang pagdudulot ng kalabuan. Ngunitdepende sa kalabuan. (1) May kalabuan, tulad ng sinaunangbugtong, na bunga ng naiibang pasok sa karanasan onaiibang pagdamá sa daigdig. Ito ang puso ng paglikhangImahenista. Nais maging payak na payak ng pahayag,parang retrato, walang borloloy at pang-uri . (2) Maykalabuang bunga ng lubhang pagtitipid sa salitâ, lubhangmapagpahiwatig na pahayag, at lubhang pagsandig sanapag-aralang karanasan. Kinokontra nito ang lubhangmasa l i tâ a t gasgas na pahayag , nguni t s iya namangpinagmulan ng gawaing ermetiko at esoteriko sa pagsulat.Kundi lubhang tahimik at minimalista ay tigib naman samah i rap sa l iks ik ing a lusyong pampan i t ikan a tpangkasaysayan. (3) May kalabuang bunga ng sangang-diwa (ambiguity) at naidudulot ng laro sa salitâ, gaya ngpaggamit ng salitâng may tambalang kahulugan o pahayagna may pailalim at kasalungat na kahulugan. Kailangan dito

Page 18: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

ALMARIO8 6

ang kadalubhasaan sa tayutay. (4) May kalabuang bunga ngpagbaligtad sa gasgas at pambalana, lalo na yaong pahayagna naghahandog ng ka to tohanang sa lunga t sanakamihasnang paniniwala. Mahalagang kasangkapan ditoang deskonstruksiyon.

Ang masamâ ay ang kalabuan na bunga lámang ngmalabòng pag-unawa sa karanasan o kamangmangan at ngpinalabòng pang-unawa (bunga ng paglalasing, kabaliwan,de l i r yo, pagbana t ng droga , a tbpng ka tu l ad nakasangkapan). May kalabuang bunga ng napakapribadongkaranasan, gaya ng seks, na mas mainam na ngang hindinatin naising maunawaan.

Magandang balikan dito ang tulang “Dilim, MutyangDilim” ni Alejandro G. Abadilla:

Ibig kong mawalaSa aking sariling daigdig ng dilim,Sa aking sariling may daloy ng buhay sa mgatulain:Sa kaakuhan kongKulay ng hiwaga’t lakas ng Bathala,

Nais kong mag-isa’t ibig kong mawala.Ako’y ilipad mo,O, Mutya kong Dilim—sa rurok na yaongHindi na maabot-tanaw ng l iwanag ng mgapanahon:Doon mo ilagak,Doon mo ihantong ang kapalaran ko—Sa sinapupunan ng kaluluwa mo.

At kung naroon naAkong nag-iisa sa aking sarili’tLumipad nang ibon ang ibang sa ak in aykumakandili…

Page 19: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

PHILIPPINE HUMANITIES REVIEW 87

Kaniniigin koSa saliw ng isang ligáw na sonataYaong kalikasang maganda’t hubad na.Ibig kong mawalaSa aking sariling daigdig ng dilimUpang maganap na lámang ang sa aking mgapanalangin;Ibig kong humimlaySa kariktang yaon ng laksang hiwagaAy bigo rin ako’t di ako mawala.

Mahirap bang intindihin? Pribadong karanasan? Oo.Oo. Ngunit may mga bintana para mapasok at maunawaanang tula ni Abadilla. Isa itong panawagang paloob, atsapagkat tíla personal ay maaaring magtuon ng pagluroksa kaniyang kausap na mutya. Bakit “Mutyang Dilim”?Dapat isaalang-alang dito ang pagkilála kay Abadilla bílangrebelde numero uno sa panitikan. Sa gayon, maaaringiugnay ang paggamit niya ng Dilim bílang Musa bílang isangekspresyon ng kaniyang rebelyon sa umiiral na estetikangpampanitikan sa Filipinas. Halata na ba ang motibongmapang-uyam? Maaari ngayong balikan ang pangyayari nak ina l aban n i Abad i l l a a t mga Pan i t ike ro ang mgaestablisadong manunulat na naghahari sa mga babasahíngkomersiyal sa pangunguna ng Liwayway. Nakasandig sasimbolo ng “liwanag” ang pangalang Liwayway. Sa gayon,ang paghahanap sa Dilim ay isang gawaing kaugnay nghimagsik sa ipinalalagay niyang luma’t kumbensiyonal na“liwanag” na idinudulot ng Liwayway. Narito pa. Maaarinamang ba l ikan sa kasaysayan ang naganap napagpapasamba sa “Liwanag” na dulot ng Simbahan atkolonyalismong Espanyol. Tinawag noong “bayan ngbagyo’t dilim” ang kapuluan ng mga pagano, mangmang,at di-sibilisado. Sa kabilâng dako, pinairal ang simbolo ngKrus at Espada bílang tagapagligtas, ang tagapagdulot ng“Liwanag” ng sibilisasyong Europeo at pananampalatayang

Page 20: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

ALMARIO8 8

Kristiyano. Sa panahon ng Himagsikang Filipino, angsimbolisasyong ito ang sinikap wasakin ni Emilio Jacintosa kaniyang Liwanag at Dilim, lalo na sa paglilinaw na may“l iwanag na nakas is i law” at nagdudulot ng di l im sakamulatan. Ang mapang-uyam na panawagan, sa gayon, niAbadilla sa “Mutyang Dilim” ay maaaring basáhin bílangpag-alinsunod sa rebolusyonaryong interpretasyon ni Jacinto.

Mahirap bang basáhin ang mga bagong tula? Oo.Ngunit dahil hinahandugan táyo ng mga bagong makatanatin ng mga naiibang persepsiyon kahit sa alam na alamna natin. Halimbawa, narito ang “Bintana” ni Fidel Rillo:

May mga sanda l ing ang pan ing in na t in ayhinahatakUpang magsiyasatBumaba at umakyatSa kuwadrado o parihabang sukatNg mga durungawang nakapikit o nakadilat.At mag-usisa sa sarili o ilarawan sa hinagapAng anumang tagpong hindi nakahantadO misteryong nag-iingat-Ingatang huwag mabilad.Kuwadradong bugtong iyong naghahanapNg sagot na katapat.Kaya’t madalas na tayo’y nakamulagat,Nag-iisip, ang diwa’y lumilipad,At nagnanasang ang b intana ’y mapasok a tmagalugad.

Hal imbawa’y ang malalaking bintanang angnakapahiyasAy matitibay at maadornong mga rehas.Naiisip nating iyo’y mga ahasNa nagtatanod sa gusi ng alahas.Pagkat ang araw ay lumilipasNgunit bintana iyong hindi bumubukás.

Page 21: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

PHILIPPINE HUMANITIES REVIEW 89

Kaya ’ t wa lang dumudungaw ma l iban satumakas—Sa siwang na amoy ng isang naaagnas.Maliban sa pagak na pagaspas

Ng hangin sa pasamanong pagasAy wala nang ibang mar i r in ig o maaar ingmawatasSa katahimikang gumagasgasSa kabila ng bintanang ang misteryo’y hindimalutas.

Madalas ding ang paningi’y mapatuonSa bukás na bintana ng mga barong-barong.Iyo’y kuwadrado ng patong-patongSa sawa l i , pawid , kahoy, o kaya ’y y e rongitinapon.Ngunit iyon ay hindi dekorasyon.Pagkat walang rehas na magsisilbing proteksiyon,Marahil ay wala ring maaaring samsamin doon.Marahil iyon ay sinadya’t itinaonUpang ang hangin ay malayang mag parito’tparoonKatulad marahil ng hinagpis na kinuyomNg mga naroonNa namimintana sa maghapon.Inuusisa ang paligid at sa hangin ay nagtatanongKung bakit ang palad nila’y nagkagayon.

At may bintanang ang nakapaligidAy mararahas na rehas at alambreng may tinik.Bintana iyong siya lamang maaaring masilipUpang pagsawain ang paningin sa sandipanglangit.Bintana iyong naging saksi sa pagmamalupit,Ngunit búkas ng liwanag ng paglayang dapatmakamit.

Page 22: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

ALMARIO9 0

Iba’t iba ang larawangMaaaring matunghayanSa kabila ng mga durungawan.Ngunit ang bintana ay may sariling salaysay nadapat pakingganIto man ay laging nakapinid o kaya’y binubuksan.Ito man ay malaya o nirerehasan.May bintanang nagiging payak na durungawan,At may bintanang nagiging piitan;May bintanang nagiging daluyanNg malayang diwa at katotohanan;May bintanang nagkukubli ng kasinungalingan,At may bintanang binubuksan ng kalayaan,Katulad na katulad ng ating isipan.

Sino ang hindi nakakíta ng bintana? Sino ang hindinakakíta ng mga uri ng bintana na inilarawan sa atin ni Rillo?Alam nating lahat ang mga bintanang binanggit niya. Ngunitang hindi natin alam ay ang paraan ng pagtingin ni Rillo sabawat bintanang inilarawan. Bawat halimbawa niyangbintana ay tíla isang bugtong, tinutuklasan niya ng sagisagang bahagi’t anyo, gaya ng rehas sa bahay ng mariwasa namistulang mga bantay na ahas, makitid na bintana ngbilangguan na tulad ng sandipang langit (Alalahanin angimaheng ito mula kay Amado V. Hernandez.), at lagingnakabukás na bintana ng barong-barong hindi lámang upanglumusot-lusot ang hangin at sinag kundi upang malayangmaglagos ang lungkot at taghoy ng dukha. Kayâ lalo táyongmagugulat na ang nagaganap paláng hindi natin pagpansinsa mga bintana ay natutulad sa pagiging kontento natin saating nakamihasnang katotohanan. Ang wakas ng tula niRillo ay isang salawikain, isang pangangaral na buksan panatin ang ating isip sa bago upang higit nating matamasaang kalayaan. Kasabay nito’y pansinin din, mahinà ang tinigng patalastas, mahinahon at malumanay, walang hibo ngpamimilit, waring dumatíng mula sa mabagal na paglilimi

Page 23: PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA

PHILIPPINE HUMANITIES REVIEW 91

sa mga bintana; hindi tulad ng malakas na t inig ngpangangaral noon ng mga kapanahong predikador ni deJesus. Bílang Modernista, tinutupad din ni Rillo sa “Bintana”ang saloobing gumamit ng tinig na mahinà, isa pangkatangiang ikabubukod ng pagtulang limbag sa tradisyonalna tinig na malakas ng pagtulang pabigkas.

Pagkaraan ng lahat , ibig kong tukuyin dito angtotoong silbi ng “matulain” sa ating búhay. Tulad ng agham,kung hindi pinatatalim ng tula ang ating pandamá aypinalalawak nito ang ating pang-unawa.

Ang hirap sa atin, lagi táyong nagmamadalî o laginating nais ang madalî. Walang karunungang madalîngmatuklasan. Gaya din naman ng karunungang naidudulotng tula. Kapag madalî, tiyak na peke. Ginaya lámang angalam na natin. Gasgas ang talinghaga’t de-kahon ang aral.Samanta la , mag- inga t d in sa tu l ang nagdudunong-dunungan . P ina l a l abo ang pahayag , gumagami t ngmahahabàng pangungusap, likaw-likaw na bulaklak ng dila,malalalim na salitâ, ngunit upang itago ang taglay nitongkababawan. Uulitin ko, ang tunay na matulain ay yaongnagpapatalim sa ating pagdamá sa daigdig at nagpapalawaksa ating pag-unawa sa ating sarili’t panahon. Sa ganitongparaan lámang ay sulit na ang anumang hirap at panahongginugol natin sa pagbása ng tula.