triduum: liturgical notes

7
Banal na Triduo: Ilang mga Tala ukol sa Pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Kamatayan at Pagkabuhay ng Panginoon ni Raymond Carlo D. Mendoza Sa limampu't dalawang linggo sa isang taon, at sa pag-ikot ng kalendaryong liturhikal ng simbahan, hindi maitatanggi ng sinuman na may isang namumukod tanging panahon dahil sa yaman nito sa pagpapahayag ng pananampalataya. Ito'y walang iba kundi ang tinatawag nating 'Mga Mahal na Araw', o mas popular bilang 'Semana Santa'. Inaalala sa mga araw na ito ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng kaligtasan: ang pagpapakasakit, kamatayan, at pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Ang mga Mahal na Araw ay hitik na hitik sa mga kahulugang ipinakikita nito sa pamamagitan ng mga pagdiriwang liturhikal at mga lokal na tradisyon na sa paglipas ng panahon ay nagbabago ng anyo, ngunit iisa pa rin ang ipinahahayag: ang tagumpay ni Kristo laban sa kasalanan at kamatayan. Pinakamahalagang bahagi ng sanlinggong ito ang tinatawag nating 'Banal na Triduo'. Ano ang Banal na Triduo? Ano nga ba ang Banal na Triduo? Ayon sa Pangkalahatang Patakaran tungkol sa Taon ng Liturhiya, ang Banal na Triduo ay 'ang banal na tatlong araw ng pagdiriwang ng kanyang pagpapakasakit at pagkabuhay', at ito 'ay nagniningning sa pagiging tugatog ng buong taon ng liturhiya'. Nagsisimula ang Triduo sa Huwebes Santo, sa Misa ng Huling Hapunan at nagtatapos sa Panalangin sa Pagtatakipsilim sa Linggo ng Pagkabuhay. Sa mga pagdiriwang na ito, partikular sa Misa ng Huling Hapunan at Liturhiya ng Biyernes Santo ay mapapansin nating hindi nagbibigay ng huling pagbabasabas ang paring nangunguna sa pagdiriwang. Tinatawag ang mga ito na 'bukas na pagdiriwang' (open-ended) . Ito ay dahil maituturing na iisa ang mga pagdiriwang ang mga ito sa buong panahon ng Triduo, kung kaya ang maringal na pagbabasbas ay ginaganap sa katapusan ng Bihilya ng Paskuwa. Huwebes Santo

Upload: raymond-carlo-mendoza

Post on 17-Jan-2016

261 views

Category:

Documents


6 download

DESCRIPTION

An article written for a parish newsletter

TRANSCRIPT

Page 1: Triduum: Liturgical Notes

Banal na Triduo: Ilang mga Tala ukol sa Pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Kamatayan at Pagkabuhay ng Panginoon

ni Raymond Carlo D. Mendoza

Sa limampu't dalawang linggo sa isang taon, at sa pag-ikot ng kalendaryong liturhikal ng simbahan, hindi maitatanggi ng sinuman na may isang namumukod tanging panahon dahil sa yaman nito sa pagpapahayag ng pananampalataya. Ito'y walang iba kundi ang tinatawag nating 'Mga Mahal na Araw', o mas popular bilang 'Semana Santa'. Inaalala sa mga araw na ito ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng kaligtasan: ang pagpapakasakit, kamatayan, at pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo.

Ang mga Mahal na Araw ay hitik na hitik sa mga kahulugang ipinakikita nito sa pamamagitan ng mga pagdiriwang liturhikal at mga lokal na tradisyon na sa paglipas ng panahon ay nagbabago ng anyo, ngunit iisa pa rin ang ipinahahayag: ang tagumpay ni Kristo laban sa kasalanan at kamatayan. Pinakamahalagang bahagi ng sanlinggong ito ang tinatawag nating 'Banal na Triduo'.

Ano ang Banal na Triduo?

Ano nga ba ang Banal na Triduo? Ayon sa Pangkalahatang Patakaran tungkol sa Taon ng Liturhiya, ang Banal na Triduo ay 'ang banal na tatlong araw ng pagdiriwang ng kanyang pagpapakasakit at pagkabuhay', at ito 'ay nagniningning sa pagiging tugatog ng buong taon ng liturhiya'. Nagsisimula ang Triduo sa Huwebes Santo, sa Misa ng Huling Hapunan at nagtatapos sa Panalangin sa Pagtatakipsilim sa Linggo ng Pagkabuhay.

Sa mga pagdiriwang na ito, partikular sa Misa ng Huling Hapunan at Liturhiya ng Biyernes Santo ay mapapansin nating hindi nagbibigay ng huling pagbabasabas ang paring nangunguna sa pagdiriwang. Tinatawag ang mga ito na 'bukas na pagdiriwang' (open-ended). Ito ay dahil maituturing na iisa ang mga pagdiriwang ang mga ito sa buong panahon ng Triduo, kung kaya ang maringal na pagbabasbas ay ginaganap sa katapusan ng Bihilya ng Paskuwa.

Huwebes Santo

Sang-ayon sa napakatandang kaugalian ng simbahan, ipinagbabawal sa araw na ito at maging sa buong panahon ng Triduo ang pagdiriwang ng mga pribadong misa, maging mga Misa sa Paglilibing. Hindi rin pinahihintulutan ang pagdiriwang ng mga Sakramento maliban sa Pagpapahid ng Langis sa Maysakit at Kumpisal. Dalawang Misa lamang ang ipinagdiriwang sa araw na ito: Ang Misa na may Pagbabasabas ng mga Langis at Pagsariwa sa Pangako ng mga Pari na ginaganap sa umaga, at ang Misa ng Huling Hapunan sa takipsilim.

Dahil ang Misa na may Pagbabasbas ng Mga Langis at Pagsariwa sa Pangako ng mga Pari ay nakapaloob pa rin sa panahon ng Kuwaresma, nagbubukas ang Banal na Triduo sa Misa sa Pagtatakipsilim sa Hapunan ng Panginoon. Sa Misang ito ginugunita ng simbahan ang Pagkakatatag ng Eukaristiya na inihayag sa pamamagitan ng 'Mandatum', o ang utos ng Panginoon na "gawin ninyo ito bilang pag-aalala sa akin."

Isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang na ito ay paghuhugas ng mga paa. Nagsimula ang kaugaliang ito sa Jerusalem noong kalagitnaan ng ikalimang siglo. Naging bahagi lamang ito ng liturhiya nang

Page 2: Triduum: Liturgical Notes

ipatupad ang mga pagbabagong liturhikal noong Ikalawang Konsilyo sa Vaticano. Mahalagang makita ang ritong ito hindi bilang isang pagsasadula lamang ng ginawa ni Hesus at ng mga alagad noong Huling Hapunan. Sa Ebanghelyo ni San Juan, hindi tahasang isinalaysay ang pagkakatatag ng Eukaristiya, ngunit ang paghuhugas ng mga paa ay isang simbolismo ng tunay na kahulugan ng Eukaristiya: paglilingkod ng may kababaang loob.

Sa misa ring ito tinatatanggap ng sambayanan ng parokya ang mga langis na binasbasan sa Misang May Pagbabasbas ng Mga Langis, bago ang prusisyon ng mga alay.

Mapapansin rin na sa Misang ito, bukas ang Tabernakulo at walang laman. Isa rin itong matandaang kaugalian noong panahong wala pang mga tabernakulo sa mga simbahan at inililipat ang mga natirang banal na ostiya sa ibang bahagi ng Simbahan. Ang mga ostiyang natira at gagamitin kinabukasan ng Biyernes Santo ay inililipat sa Altar ng Repositoryo. Makaraan ang Panalangin Pagkapakinabang, sa prusisyon at pagtatanghal ng Santisimo Sakramento patungo sa Repositoryo nagtatapos ang Misa ng Huling Hapunan.

Makaraan ang Misa ng Huling Hapunan, bumabalik ang Pari at mga tagapaglingkod sa Santuwaryo upang tanggalan ng mantel ang Altar at mga palamuti sa Santuwaryo. Iniiwan din ang Tabernakulo na bukas at walang laman at hindi binubuksan ang ilaw nito. Ang pagtatanggal na ito ng mantel sa altar ay isa ring matandang kaugalian upang ipabatid ang pagtatapos ng pagdiriwang ng Eukaristiya.

Mahalagang ipaalala na sa ginaganap nating 'Visita Iglesia', ay dapat ituon ang pansin sa Santisimo Sakramentong nakalagak sa Repositoryo. Kaya mula pa man sa Sabado ng Ika-apat ng Linggo ng Kuwaresma ay tinatakpan na ang mga Krus, mga Estacion at mga Imahen sa loob ng simbahan.

Biyernes Santo

Sa araw na ito ginugunita ang pinakadakilang pangyayari sa kasaysayan sa kaligtasan: ang sakripisyo ni Kristo sa Krus. Ngayon at hanggang sa umaga ng Sabado Santo, hindi natin ipinagdiriwang ang Misa dahil na rin sa ito ay araw ng pag-aayuno. Ang pagdiriwang na ito ay ikalawang bahagi at pagpapatuloy ng pagdiriwang ng Banal na Triduo, kung kaya walang pagbati sa pasimula. Nahahati sa tatlo ang Liturhiya ng Biyernes Santo: Liturhiya ng Salita ng Diyos, Pagpaparangal sa Krus, at Komunyon.

Ginaganap ang Liturhiya ng Biyernes Santo sa ikatlo ng hapon, na siyang oras ng pagkamatay ni Kristo sa Krus. Pula ang kulay ng damit sapagkat si Kristo ang unang martir na nag-alay ng buhay, at kulay rin ito ng hari na ipinahahayag sa krus. Nagpapasimula ito sa pagpasok at pagpapatirapa ng pari, makaraan ay darasalin ang Panalanging Pambungad at ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Sang-ayon sa isang manunulat: "Anumang gawin natin ay dagdag lamang sa panlalait at pasakit sa Panginoon. Hindi natin maibubuka ang ating kamay sapagkat siya'y atin nang tinampal, ni halikan ang altar sapagkat siya'y hinalikan natin tanda ng pagkakanulo, ni makapagsasalita sapagkat inalipusta't inalimura na natin siya, kaya wala nang nalalabi pang dapat gawin kundi tayo'y dumapa at manahimik na lamang at humingi ng tawad sa ating mga kasalanan."

Sa pagpapahayag ng Pagpapakasakit ayon kay San Juan, ginagagmit ang paraang sagutan (dialogical) tulad noong Linggo ng Palaspas. Ang bahagi ng bayan na karaniwang pinangungunahan ng koro, mga tagapagsalaysay, at ang mga salita ni Kristo na nakalaan sa pari. Makaraan ang Homilya ay ang

Page 3: Triduum: Liturgical Notes

Panalanging Pangkalahatan, kung saan ipinapanalangin ang mga pinakatatanging pangangailangan ng simbahan at ng daigdig.

Ang ikalawang bahagi ng liturhiya ay ang Pagpaparangal sa Krus. Mahalagang malaman ng lahat na ang binibigyang-pagsamba ay hindi ang imahen ni Kristong nakapako sa Krus, kundi ang mismong Kahoy ng Krus na siyang instrumento ng pagtatagumpay ni Kristo sa kasalanan at kamatayan na kinakatawan ng Krus na ginagamit sa ritong ito. Isang mahalagang isinasaalang-alang sa ritong ito ay ang paggamit ng iisang krus lamang.

Mula pa man noong ikalabindalawang siglo hanggang ngayon, unti-unting tinatanggalan ng takip ang krus habang inaawit ng pari ang paanyayang 'Sa Kahoy ng Krus na Banal' (Ecce Lignum Crucis). Pagkaraang maawit ang paanyayang ito ng tatlong ulit at wala nang takip ang krus, ay magtatanggal ang pari ng kanyang kasulya at sapatos at siyang mauunang humalik sa krus. Pagkaraang makahalik sa krus ang pari at mga tagapaglingkod, susunod namang hahalik sa krus ang sambayanan habang inaawit ang 'Improperia' o 'Mga Hinanakit'.

Ikatlo at huling bahagi ng pagdiriwang sa araw na ito ay ang Komunyon. Nagsisimula ito sa pag-awit ng Ama Namin, Paanyaya sa Pagkokomunyon, at ang mismong Komunyon ng pari at ng sambayanan. Pagkaraan ng Panalanging Pagkapakinabang ay winawakasan ang pagdiriwang sa Pagpapanalangin sa Sambayanan at lilisan ang lahat sa katahimikan.

Sabado Santo

Inaalala sa araw na ito ang pagpanaog ni Hesus sa kinaroroonan ng mga yumao. Ito ay araw ng tahimik na pagninilay ng lahat. Sang-ayon sa isang matandang homilya para sa araw na ito: "Ang buong mundo ay tahimik sapagkat ang Diyos ay nahihimlay sa laman. Namatay ang Diyos sa laman at ang kinaroroonan ng mga yumao ay nanginig sa takot." Hindi ipinagdiriwang ang misa kaya ang altar ay walang mantel at gayak, at ito ay araw pa rin ng pag-aayuno bilang paghahanda naman sa Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay. Hindi rin ipinagdiriwang ang mga sakramento maliban sa Pagpapahid ng Langis sa Maysakit at Kumpisal, at ibinibigay lamang ang komunyon bilang Viaticum.

Sa gabi ng Sabado Santo ay ginaganap ang ikatlo at pinakamaringal na bahagi ng Banal na Triduo: Ang Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay. Tinagurian din itong 'Ina ng lahat ng Bihilya', sapagkat nagtatanod ang buong simbahan sa gabing ito sa pagtawid ng Panginoong Hesukristo mula sa kamatayan patungo sa pagkabuhay. Nahahati sa apat ang pagdiriwang: Parangal sa Ilaw o Lucernarium kung saan binabasbasan ang apoy at sinisindihan ang Kandila ng Pasko ng Pagkabuhay na susundan ng Pagpapahayag ng Pasko ng Pagkabuhay (Exsultet), Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Pagdiriwang ng Binyag, at Liturhiya ng Eukaristiya.

Magsisimula ang pagdiriwang sa pagbabasbas sa siga at pasisimulang guhitan ng pari ang Kandila ng Pasko ng Pagkabuhay sa anyo ng Krus, ng Alpha at Omega, at ng mga bilang ng kasalukuyang taon. Itutusok rin niya ang limang butil ng insenso sa balangkas ng krus, na sumasagisag sa limang sugat ni Hesus. Sisindihan ang kandila mula sa apoy na binasbasan. Pagkaraan ay papasok ang lahat sa loob ng simbahan at pasisimulan ang Pagpapahayag ng Pasko ng Pagkabuhay (Exultet).

Pagkaraan ng Exultet, papatayin na ng mga tao ang kanilang kandila at pasisimulan ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos. May pitong pagbasa at mga salmong nakalaan ngunit maaaring tatlo o apat lamang ang

Page 4: Triduum: Liturgical Notes

basahin, at ang pinakamahalagang pagbasa ay yaong mula sa aklat ng Exodo. Pagkaraan ng huling pagbasa, pangungunahan ng pari ang pag-awit ng Papuri sa Diyos, tutugtugin nang muli ang mga kampana at bubuksan ang mga ilaw at kandila sa altar. Pagkabasa ng sulat mula kay Apostol San Pablo ay maringal na pasisimulan ng pari ang pag-awit ng Alelluia at aawitin ang salmo na ang tugon sa bawat taludtod ay Alleluia. Pagkaraan ng Mabuting Balita at homilya ay isusunod ang pagdiriwang ng pagbibinyag.

Sa Pagdiriwang ng Pagbibinyag, kung may bibinyagan ay pasisimulan ito sa pag-awit ng Litanya ng mga Banal at pagbabasbas ng tubig pambinyag. Kung wala namang bibinyagan ay gagawin agad ang pagbababasbas ng tubig. Pagkaraan nito, gaganapin ang Pagsariwa sa mga Pangako sa Pagbibinyag at Pagwiwisik ng Banal na Tubig. Magpapatuloy ang pagdiriwang sa Liturhiya ng Eukaristiya hanggang sa Maringal na Pagbabasbas.

Linggo ng Pagkabuhay

Isang natatanging kaugalian sa Pilipinas ang pagdiriwang ng Salubong. Kahima't di nababanggit sa alinmang bahagi ng ebanghelyo na si Hesus ay naunang magpakita sa kanyang ina, naging bahagi na ito ng maringal na pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay. Pinasisimulan ito sa pagsasalubong ng imahe ni Kristong Muling Nabuhay (Resucitado) at ng Inang Nakangiti (Alegria) at pagkatapos ay ang pag-awit sa bahagi ng Pasyong Mahal ng Pagkasalubong ni Kristo sa Kanyang Ina. Makaraang awitin ang Regina Coeli at ang dasalin ng pari ang mga panalanging kaugnay nito, aalisin na ng mga batang gumaganap na anghel ang lambong ng Birhen at pasisimulan ang Misa.

Sa Misang Kaugnay ng Salubong, may ibang kalipunan ng mga panalangin ang ginagamit bukod sa nasa Aklat ng Pagmimisa. Hindi rin inaawit ang Sekwensya (Victimae Paschali Laudes) sa misang ito, dahil si Maria Magdalena ang tinutukoy na Maria sa nasabing awit. Sa halip na Ebanghelyo ni San Juan tungkol sa Pagkabuhay ni Hesus, binabasa ang Ebanghelyo ni San Lukas kung saan sinabi ni Hesus na 'higit na mapalad ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito'. Ang mga pagkakaibang ito sa mga pagbasa at panalangin ay naglalayong maituon ang pansin sa Mahal na Birhen at maiayon ang pagdiriwang sa diwa ng Salubong. Ginaganap rin sa lahat ng misa sa araw na ito ang Pagsariwa sa mga Pangako sa Binyag at hinahalinhan nito ang Pagsisisi sa Kasalanan. Nagpapatuloy ang misa sa kinaugaliang paraan at nagwawakas sa Maringal na Pagbabasbas.

Nagtatapos ang Banal na Triduo sa Panalangin sa Takipsilim sa Gabi ng Linggo ng Pagkabuhay at pinasisimulan ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay hanggang sa Linggo ng Pentekostes.

Paglalagom

Dahil sa kahalagahan ng tatlong araw na ito sa ating buhay panananampalataya, masusi at masinsing paghahanda ang isinasagawa ng bawat isa. Hindi lamang sa mga ritong isasagawa, mga panalanging gagamitin, at iba pang gawaing kaugnay nito, kundi maging sa pansarili at espiritwal na paghahanda. Ang mga mabubuti at makahulugang pagdiriwang ay makatutulong para sa mas lalong malalim na pananampalataya at pakikipagtagpo sa Panginoon. Atin nang ihanda ang ating mga sarili sa panahong ito upang lubusan tayong makigalak sa tagumpay ni Kristong Muling Nabuhay!

Mga Sanggunian:

Page 5: Triduum: Liturgical Notes

CBCP Episcopal Commission on Liturgy & Archdiocsan Liturgical Commission, Manila: Holy Week, Sacred Paschal Triduum, Pentecost (Study Edition), 2013.

Congregation for Divine Worship: Paschales Sollemnitatis, 1988.

Msgr. Andres S. Valera, HP, SLL: Banal na Triduo, 2013 Edition.